Magpapadala na muli ang gobyerno ng mga household workers sa Saudi Arabia simula Nobyembre 7.
Sa pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia, mas mahigpit na ngayon ang pamahalaan sa ipatutupad na proseso upang hindi na maulit ang mga insidente ng pang-aabuso.
Nitong nakaraang buwan, nagkasundo ang Philippine government at Saudi Arabia na alisin na ang deployment ban na nag-ugat sa reklamong pang-aabuso sa mga domestic worker.
Ayon sa kasunduan, dapat may insurance ang mga empleyado para sa kanilang kaligtasan oras na hindi sila pasahurin ng kanilang employer.
Tiniyak naman ng Saudi Arabia na magiging aktibo ito sa laban sa kaso ng human trafficking.
Magtatalaga rin ng welfare officer ang mga recruitment agency ng Saudi Arabia at Pilipinas upang matugunan ang mga reklamo ng mga overseas Filipino worker.