Sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang sampung taong showbiz career, unaang beses na ma-nominate para sa isang acting recognition si Kapuso actor Juancho Triviño.
Ito ay kasunod ng kaniyang natatanging pagganap sa karakter na prayle na si Padre Salvi sa hit period-fantasy drama na “Maria Clara at Ibarra” ng GMA.
Si Juancho ay isa sa finalists para sa Best Supporting Actor ng Tag Awards Chicago 2022.
Katunggali niya sa pagkilala sina Jake Ejercito ng “A Family Affair,” Dion Ignacio ng “Alternate,” Paulo Avelino ng “Flower of Evil,” at Zaijian Jaranilla ng “A Broken Marriage Vow.”
Napa-tweet naman sa excitement ang Kapuso actor kasunod ng good news.
“Ah wow, sa 10 years ko sa showbz, first-time ko ‘to,” mababasa sa tweet ni Juancho noong Miyerkules.
Samantala, nominado rin ng award-giving body sina Barbie Forteza para sa Best Actress at Julie Anne San Jose para sa Best Supporting Actress na kapwa stars sa MCAI.
Tila sunod-sunod na nga ang pag-shine ng Kapuso actors sa patok na serye matapos ding purihin ng netizens ang natatanging pagganap din ni Andrea Torres sa karakter ni Sisa.