ALCALA, Cagayan -- Malaki ang naging tulong ng isang floating room sa isang paaralan sa Cagayan dahil naisalba nito ang mga importanteng dokumento, modules, mga libro, at iba pang learning materials nang manalasa ang bagyong Paeng, kamakailan.
Kaya naman hinihikayat ni Rosalyn Guieb, officer-in-charge sa Damurog Elementary School, ang iba pang mga paaralan sa flood prone areas na gumawa ng floating classroom.
Aniya, makatutulong ito sa mga guro at mga estudyante. Maaari rin daw kasi ito maging library, computer room, stock room, atbp.
"Sana ang government din natin ay 'yan na rin ang isa sa mga planuhin nila para sa mga flood prone schools tulad namin," ani Guieb.
Kuwento pa niya, ang inspirasyon umano ng floating room ay dahil sa mga residenteng gumagawa ng kanilang mga floating houses sa kanilang barangay, 10 taon ang nakaraan. Noong Nobyembre 2020, nagkaroon ng malawakang pagbaha sa Cagayan dahil sa bagyong Ulysses at doon nila napagtanto ang kahalagahan ng floating classroom.
Tinulungan sila ng Franciscan Apostolic Sisters of Sta. Ana, na pinangungunahan ni Sister Minerva Caampued, sa pagtatayo ng floating classroom.