Nanawagan sa gobyerno ang isang kongresista na buhayin na ang parusang kamatayan upang matugunan ang lumalalang problema sa korapsyon sa National Bilibid Prison (NBP) at sa iba pang bilangguan sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Manila City 6th District Rep. Bienvenido Abante, lalo lamang umanong lalala ang korapsyon sa mga bilangguan kung hindi naaaksyunan ng gobyerno ang usapin.
Gagamitin aniya ng mga mayayamang kriminal ang kanilang pera upang manuhol at tuluyang maipagpatuloy ang paggawa ng krimen kahit nakapiit na sila sa maximum security compound.
Inihalimbawa ng kongresista ang isinagawang pagsalakay ng mga opisyal ng NBP sa mga selda na ikinasamsam ng libu-libong de-latang alak, iligal na droga, pera, at iba pang kontrabando, kamakailan.
Matatandaang iniharap ni Abante ang kanyang House Bill 4121 (Death Penalty Law) at sinabing kailangang maibalik ang death penalty laban sa mga drug lords at iba pang kriminal upang hindi na sila makagalaw sa loob ng bilangguan.
PNA