Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Maritime Industry Authority (MARINA) at Commission on Higher Education (CHED) na isiguro naaayon ang bansa sa Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).

"Mataas ang tingin ng ating mga French counterparts sa dedikasyon at sipag ng ating mga Filipino seafarers na nagtatrabaho sa mga bangkang Europeo. Kailangan nating panindigan ang reputasyong ito sa pamamagitan ng pagpasa sa kwalipikasyon ng ating mga seafarers sa European Union (EU) standards,” ani Villanueva pagkabalik niya mula sa opisyal na biyahe mula sa France para makipagkita sa mga miyembro ng French Parliament.

Matatandaan na sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Assistant Secretary Jerome Pamplona sa briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs na halos 49,460 Filipino seafarers ang posibleng mawalan ng trabaho kung mabibigo ang bansa na makasunod sa STCW.

Mula taong 2006, hindi pa rin nakakalusot ang bansa sa audit ng European Maritime Safety Agency (EMSA) dahil 13 shortcomings at 23 grievances ang nakita nito sa evaluation na ginawa sa pag-aaral at pagsasanay ng 'Pinoy seafarers.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ngayong Nobyembre, magkakaroon ulit ng ebalwasyon ang EMSA para sa compliance ng bansa sa STCW.

Kaya naman sinabi ni Villanueva na ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makalusot ang mga marinong 'Pinoy

“Ang MARINA at CHED, sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya tulad ng DMW, ay dapat magsikap na tulungan ang industriya at magpatuloy nang husto upang suportahan ang mga trabaho ng ating mga Pilipinong marino,” anang senador.

Iba't ibang ahensya na rin ng pamahalaan ang sama-samang kumikilos para masiguro ang trabaho ng mga Pilipino marino.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, siya ay mahigpit na nakikipagtulungan sa mga envoy mula sa EU upang tugunan ang mga isyu sa pagsunod ng bansa sa mga pamantayan sa paglalayag ng EU at pagtiyak ng seguridad sa trabaho ng mga marinerong Pilipino.

Samantala, hinimok naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang MARINA na sumunod sa deadline para matugunan ang mga kakulangan sa pagsasanay at edukasyon sa pandagat ng bansa na tinukoy ng European Union, na nagsasabing ang kabuhayan ng mga Filipino seafarer ay nakataya.