Pinaiimbestigahan na ngayon ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang reklamo ni Noveleta, Cavite Mayor Dino Chua hinggil sa umano’y maraming requirements na hinihingi ng mga DSWD personnel bago ibigay ang ayuda sa kanyang mga constituents noong Lunes, Oktubre 31.
Kaugnay nito, nabatid nitong Huwebes na pansamantala na rin munang inilipat ni Tulfo sina Region 4A Director Barry Chua at Assistant Regional Director Mylah Gatchalian sa Central Office habang isinasagawa ng Office of the Secretary ang imbestigasyon sa reklamo.
Si Assistant Secretary Maritess Maristela ng Special Concerns Division kay Director Chua sa puwesto.
Base sa reklamo ni Chua, “kung anu-ano ang hinihingi ng DSWD, e binagyo na nga yung tao, pinapahirapan pa nila. Hinihingan nila ng ID, indigency certificate, residency certificate at kung ano- ano pa. Sabi nga ng pangulo wag na pahirapan ang tao.”
Anang alkalde, nagkulang din ang mga food packs na ipinamigay ng DSWD sa kanyang lugar dahil sa halip na 500 pamilya ang bibigyan, 200 lang daw ang naabutan, kung kaya’t siya na ang nagbigay sa natitirang 300 pamilya.
Gayunman, sa rekord ng DSWD, nasa 1,600 food packs ang inihatid ng DSWD National Resource Operation Center (NROC) sa municipal hall ng Noveleta noong Oktubre 30 o isang araw bago ang distribusyon ng nasabing ayuda.
“I don't know kung bakit nasabi ni Mayor Chua na kulang ang food pack na pinadala namin sa kanya gayong 1,600 ang diniliver namin sa kanyang munisipyo one day before the distribution day,” ayon kay Sec. Tulfo.
Ipinaliwanag din naman ng kalihim na kailangan talagang maberipika ng DSWD ang mga benepisyaryo, lalo na ang mga tatanggap ng cash assistance, dahil requirement ito ng Commission on Audit (COA).
Ani Tulfo, “hinihingan po talaga namin ng ID yung mga benepisyaryo. Pero pag wala pong ID lalo na during calamities, kailangan nasa listahan ang pangalan nila sa barangay”.
“Pero ang nangyari sa Noveleta, wala pong ID yung natitirang 300 katao at wala sa listahan ng barangay o hindi kilala ng mga barangay officials ang mga humihingi ng cash ayuda ng mga oras na yun,” dagdag pa ni Tulfo. “Ano pong ipapakita naman namin sa COA kung tanungin kami kanino namin ibinigay ang mga pera kung walang ID o wala sila sa listahan ng barangay.”
“Siguro kailangan mag-imbestiga rin talaga ni Mayor Chua kung totoo ang mga sumbong sa kanya dahil marami pong kumakalat na fake news,” ayon pa kay Tulfo.
Kaugnay nito, kinilala at pinasalamatan naman ng mga Cavite solons ang DSWD dahil sa walang kapaguran nilang serbisyo sa mga mamamayan.
Kinilala nina Senador Bong Revilla at Cavite 1st District Representative Jolo Revilla ang mabilis na aksyon ng DSWD sa mga pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Paeng sa lalawigan ng Cavite lalo na at wala pang 24 oras matapos na tamaan ng Bagyong Paeng ang Cavite ay naroon na sina DSWD IV-A Regional Director Barry Chua at ARD Myla Gatchalian, kasama ang Senador at Kongresista na naghatid ng 4,000 family food packs sa Bacoor, Kawit, Noveleta at Tanza.
Simula rin umano noon ay araw-araw nang walang patid ang delivery ng family food packs sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng sa lalawigan ng Cavite, sa kabila ng mga balakid dulot ng epekto ng bagyo.