Mismong si Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang nagbahagi ng ilang mga kuhang litrato mula sa halos mawasak at binalahurang silid-aralan sa isang pampublikong paaralan, na tinuluyan ng ilang evacuees na pansamantalang inilikas sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng noong Oktubre 29.

Sa mahabang Facebook post noong Nobyembre 1, ipinahayag ni Biazon ang kaniyang kalungkutan at pagkadismaya sa mga taong ito.

"Lungkot o galit…hindi ko alam ang nangingibabaw sa nararamdaman ko," panimula ng alkalde.

"Sinasabi na ang mayor ay ang Ama ng Bayan. Kasi ako bilang ama ng aming tahanan, pag may ginawang kasalanan ang anak ko, napapagalitan ko sila dahil isa sa mga tungkulin ko ang disiplinahin ang aking mga anak."

"Kapag mayroon naman gumawa ng mali sa kanila, nalulungkot naman ako at gusto sila ipagtanggol. Ganyan ang ama."

"Kaya naman sa pagiging mayor ko, umiiral din ang pagiging ama. Kapag may mga pasaway sa aking mga constituents, nagagalit ako. Kapag may naaapi o nadedehado, nalulungkot ako."

"Tulad na lang itong mga pictures ng classrooms na pinost ko. Yan ay mga pictures ng eksena sa isa nating paaralan na ginamit bilang evacuation site nitong nakaraan na bagyong si Paeng."

"Sa kasagsagan ng bagyo, binisita ko pa yang evacuation site at kinamusta ang mga nagkubli doon."

"Dahil sa biglang pagdagsa sa evacuation centers ng mga lumikas sa mga nabahang lugar, napakiusapan natin ang Division Office ng DEPED na payagan na gamitin ang mga classroom bilang karagdagang evacuation site."

"Sa totoo lang, iniiwasan natin na gamitin ang mga eskwelahan bilang evacuation site dahil sa karanasan, nagiging hadlang ito sa pag-aaral ng mga bata dahil minsan ay hindi agad naki-clear ang mga classroom matapos ang kalamidad.

Nangyari na din na ang mga classroom ay naiiwan sa hindi magandang kalagayan matapos gamitin bilang evacuation site."

"Pero dahil sa pagmamalasakit sa mga kababayan natin na apektado ng bagyo, pumayag ang DEPED Division Office at ang mga principal na gamitin ang mga classroom bilang shelter laban sa hagupit ng bagyo."

"Ngunit ano ang naging kapalit nito? Ang pagsira ng mag pasilidad at walang pakialam na iniwang nakakalat ang basura sa paaralan. Bakit ganyan ang nangyari? Bakit parang walang malasakit sa kagamitang pampubliko ang mga taong binigyan ng kalinga sa harap ng kalamidad?," himutok ng punong-bayan.

Kaya napapatanong ang mayor kung ganito na ba talaga ang karakter ng mga tao ngayon.

"Ang pasilidad na ito ay tinayo gamit ang pera ng taong bayan. Ang maintenance nito ay ginagastusan ng taong bayan. Ang pananatili ng kaayusan at kalinisan nito ay ginagawa ng mga tao na bagaman sinusweldohan din ng taong bayan ay ginagawa nila ito dahil sila ay may malasakit hindi lang sa pampublikong pagmamay-ari kundi dahil ang may pakinabang sa mga paaralang ito ay ang mga kabataan."

"Sinasabi natin na ang edukasyon ay mahalaga sa magandang kinabukasan…na ito ang mag-aahon sa kahirapan…na ito ang susi sa kaunlaran…pero bakit natin ginaganito ang paaralan?"

"Kung bata ang may gawa nito, bakit humantong sa ganitong pag-uugali ang mga batang ito? Kasalanan o kakulangan ba ng gobyerno kung bakit sila ganyan? O ang mga magulang ba ang may pananagutan? Bakit nila hinayaan ang mga bata na gawin ito, kung yung mga bata nga ang may kagagawan?"

"Kung mga nakakatanda ang gumawa nito, sila ay nasa husto nang kaisipan para masabing dapat managot sa pangyayaring ito. Hindi ko lubos maunawaan ang takbo ng isip ng isang nakakatanda na gagawin ito sa paaralan na nagbibigay pag-asa sa magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak."

"Nalulungkot ako para sa mga estudyante ng paaralang ito. Habang kami sa gobyerno ay naghahanap ng mga paraan at sinisikap na pagkasyahin ang pondo para sa pagpapaganda at pagpapabuti ng mga eskwelahan, heto at mayroon naman na ganun-ganun na lang na bababuyin at sisirain ang lugar na nagsilbing kanlungan nila sa panahon ng kalamidad at pugad ng pangarap ng kanilang mga anak. Nakakadismaya."

Sa huli, sinabi ni Biazon na titiyakin niyang mananagot ang mga gumawa nito sa silid-aralan. Tulad sa isang anak ay kakastiguhin niya bilang isang "ama" kung sino man ang responsable rito.

"Galit ako sa mga gumawa nito at sa mga responsable sa pangyayaring ito. Titiyakin kong may mananagot dito.

Siniseryoso ko ang pagiging ama ng ating lungsod. At tulad ng isang ama ng tahanan, gagawin ko ang nararapat para sa kabutihan ng mga nasasakop ng aking tungkulin na kalingain at ituwid naman ang mga naliligaw ng landas."

Sa ngayon ay wala pang update ang alkalde kung napag-alaman na ba niya kung sino ang may gawa nito sa silid-aralan.