Nagpaalala ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang ipinagkakaloob nilang libreng sakay para sa mga estudyante ay hanggang sa Sabado na lamang, Nobyembre 5.

“Libreng sakay para sa mga estudyante, hanggang sa Nobyemre 5 na lamang,” anang LRTA sa isang advisory nitong Huwebes.

Kaugnay nito, simula anila sa Nobyembre 6, ang mga estudyante ay hindi na libreng makakasakay sa kanilang tren.

Gayunman, maaari namang mag-avail ang mga ito ng 20% diskwento kung sasakay ng mga tren ng LRT-2.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kinakailangan lamang umano nilang ipakita ang kanilang school ID o proof of enrollment sa Passenger Assistance Office o Ticket booth upang mabigyan ng discount.

Kaugnay nito, iniulat din ng LRTA na sa ngayon ay umabot na sa 1,527,219 ang nakinabang sa libreng sakay ng LRT-2, sa loob lamang ng 58 na araw, o simula nang ipatupad ang programa.

Matatandaang ipinatupad ng pamahalaan ang libreng sakay noong Agosto 22, o ang unang araw nang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, alinsunod na rin sa kautusan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..

Layunin nitong makatulong sa mga mag-aaral na naapektuhan ang pag-aaral ng pandemya gayundin ng mga magulang sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.

Hindi naman sakop ng programa ang kanilang mga guardians at ang mga nag-aaral sa graduate schools.