Dumulog na sa programang "Wanted sa Radyo" ang kaherang si "Erika Joy Buendicho" matapos mag-viral ang kaniyang hinaing at reklamo tungkol sa ginawa umanong "puwersahang" pagpapaamin sa kaniyang nangupit siya sa kaha ng isang department store.

Ayon sa kaniyang mahabang Facebook post noong Oktubre 26, sinabi raw sa kaniya ng supervisor na short ang kaniyang intrega ng halagang ₱4993.71. Tatlong araw pa lamang umano si Erika sa naturang department store.

Hindi rin umano maipaliwanag ni Erika kung bakit siya na-short, at wala naman aniya siyang kinukuha. Subalit ayon sa kaniya, pinilit umano siyang aminin na lamang ang ginawa, at sinibak din siya sa trabaho. Ibinahagi ni Erika ang natanggap na "Notice of Dismissal" na epektibo noong Oktubre 25. Pirmado ito ng HRD manager at Division Head ng department store.

Wala na umanong nagawa si Erika kundi pirmahan ang naturang notice.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Dahil sa naging viral ay hinimok ng mga netizen si Erika na magsampa ng reklamo laban sa department store, dahil sa hindi anilang makatarungang akusasyon at pagsibak sa kaniya sa trabaho.

Lumutang pa ang mga nasa 20 o mahigit pang mga nagpakilalang naging empleyado ng department store na umano'y nakaranas din nito.

Nangako naman si Senador Tulfo na paiimbestigahan ang mga nangyari. Nakipag-ugnayan umano ang kanilang team sa pamunuan ng department store subalit wala pa aniyang tugon ang mga ito.