Umaabot sa ₱40,515,099.81 ang halagang ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa may 5,269 indigents na nangangailangan ng tulong medikal sa buong bansa.
Sa isang abiso nitong Huwebes, nabatid na ang naturang tulong medikal ay ipinamahagi ng PCSO sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP) mula Oktubre 24 to 28, 2022 lamang.
Ayon sa PCSO, sa National Capital Region (NCR), umaabot sa₱10,765,753 ang naipamahagi nila sa may 745 beneficiaries.
Sa Northern at Central Luzon naman, aabot sa₱11,873,748.48 ang naipamahagi sa may 1,623 benepisyaryo habang₱9,433,373.89 naman ang naipamigay sa may 1,540 benepisyaryo mula sa Southern Tagalog at Bicol Region.
Sa Visayas, aabot sa 1,184 ang benepisyaryong nakinabang sa₱7,255,240.08 na tulong medikal habang 177 ang nabigyan ng kabuuang₱1,188,984.36 na tulong medikal sa Mindanao.
Kaugnay nito, tiniyak ng PCSO na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang serbisyo medikal mula Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Hinikayat rin naman ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.
Nabatid na ang malaking bahagi ng kinikita ng PCSO mula sa kanilang mga palaro ay ginagamit bilang pondo ng MAP.