Naantala ang biyahe ng ilang tren ng Philippine National Railways (PNR) nitong Miyerkules dahil umano sa ‘derailment incident’ o insidente nang pagkadiskaril ng isang tren nito sa bahagi ng Sta. Mesa, Manila, na dulot umano ng bagyong Paeng.

Sa abisong inilabas ng PNR dakong alas-6:25 ng umaga, nabatid na naganap ang insidente ng derailment sa Magsaysay Crossing sa Sta. Mesa.

Sa isang tweet, sinabi ng PNR na kabilang sa mga naapektuhang biyahe nila ay ang mula sa Tutuban patungong Alabang, Bicutan, at Biñan, at pabalik.

“PAUNAWA: Ngayong umaga ng Nob. 2, 2022, maaantala (delay) ang byahe ng mga trains dahil sa isang insidente na pagkadiskaril (derailment incident) malapit sa Magsaysay Crossing sa Sta. Mesa. Apektado po ang mga byahe mula Tutuban papuntang Alabang, Bicutan, at Biñan at vice versa,” anunsiyo pa ng PNR.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Naibalik lamang anila ang biyahe mula at patungo sa nasabing lokasyon pagsapit ng alas-8:25 ng umaga.

Ipinaliwanag naman ni PNR General Manager Joseline Geronimo na ang pagkadiskaril ay sanhi ng nakalipas na bagyo at walang tigil na malalakas na pag-ulan, na nagpalambot sa lupang kinalalagyan ng riles.

Ayon kay Geronimo, ang nadiskaril na tren ay may sakay na 120 pasahero nang maganap ang insidente.

Samantala, inanunsyo na rin ng PNR na magpapatupad din sila nitong Miyerkules ng hapon ng mga special trips sa mga lugar na ligtas nang daanan ng kanilang mga tren.

Humingi rin sila ng pang-unawa dahil hindi pa anila maaaring manumbalik ang serbisyo sa lahat ng ruta at istasyon, para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero at publiko na siya umano nilang prayoridad sa ngayon.

Kabilang sa special trips ng PNR nitong Miyerkules ng hapon ay ang Tutuban to Alabang (12:06 PM; 1:06 PM; 2:06 PM; 3:06 PM; 3:56 PM; 4:36 PM; 5:36 PM; 6:36 PM); Alabang to Tutuban (12:32 PM; 1:42 PM; 2:32 PM; 3:42 PM; 4:32 PM; 5:22 PM; 6:12 PM; 7:12 PM; 8:02 PM); Tutuban to Biñan (7:16 PM); Biñan to Alabang (1:15 PM); Alabang to Biñan (2:04 PM); Biñan to Tutuban (3:15 PM); Tutuban to Gov. Pascual (2:41 PM); Gov. Pascual to Tutuban (8:22 PM); Gov. Pascual to Bicutan (3:12 PM; 5:52 PM); Bicutan to Gov Pascual (4:30 PM; 7:10 PM); Naga to Sipocot (3:30 PM) at Sipocot to Naga (12:00 PM; 4:50 PM).