Pansamantalang natigil ang operasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) nitong Miyerkules ng umaga matapos na dumanas ng problemang teknikal.
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na dakong alas-5:12 ng madaling araw nang mapilitang magsuspinde ng operasyon ang MRT-3 dahil sa ‘abnormal signaling indication’ sa Shaw Boulevard station sa Mandaluyong City.
“All trains were stopped at the nearest station as a precautionary measure as technicians troubleshoot the issue,” anang DOTr.
Inabot pa ng halos dalawang oras bago naibalik ang full at normal na operasyon ng mga tren dakong alas-6:58 ng umaga, nang maireport ng MRT-3 Control Center na nakitaan na ng normal indication ang signaling system.
“At 6:52 a.m., the Control Center reported normal indication on the signaling system. Full and normal operations resumed at 6:58 a.m.,” anang DOTr.
Ayon kay MRT-3 officer in charge director for operations Oscar Bongon, base sa kanilang fare collection systems ay aabot sa kabuuang 3,600 pasahero ang naapektuhan ng insidente.
Upang masolusyunan naman ang buildup ng mga pasahero dahil sa suspensyon ng operasyon, nag-deploy aniya ang MRT-3 ng dalawa pang tren na magsasakay sa mga ito.
Humingi rin siya ng paumanhin sa nahuling advisory ng MRT-3.
“During the time we were in close coordination with the technical team, medyo tumagal ‘yung intervention they’re thinking na mano-normalize agad, kaya hindi po kami agad nakapagbigay ng abiso,” ani Bongon.
Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue sa Quezon City.