Natukoy na ang mga umano'y mastermind sa pamamaslang kay hard-hitting journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa, ayon na sa kapatid ng biktima na si Roy Mabasa.

Ayon sa nasabing kapatid ni Lapid, kasama siya sa isinagawang case conference sa Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules ng umaga kung saan ilang sinasabing 'utak' sa kaso ang tinukoy.

Kabilang din sa dumalo sa pagpupulong sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos.

"Meron po. To be very frank, meron po. At ito rin ay aming pinag-aaralan bilang miyembro ng mga pamilya,” tugon ni Roy sa mga mamamahayag kaugnay ng paglutang ng mga pangalan ng umano'y mastermind sa krimen.

National

Magnitude 4.2 na lindol, yumanig sa Batanes

“Sa palagay ko nalalapit na tayo roon sapagkat sa aming pag-uusap kanina, meron nang tinutumbok, subalit I’m not at liberty to say to you kung ano ang mga pangalan at pagkakakilanlan. Hahayaan po natin ang DOJ na tapusin ang kanilang trabaho, kasama ang NBI at PNP at magkakaroon yata ng announcement in the next 1, 2, 3 days,” aniya.

Posible aniyang ihain ang kasong murder laban sa mga suspek sa Biyernes o sa Lunes.

Tumangging banggitin ni Roy kung ilang suspek ang posibleng kasuhan.

Nitong Oktubre 18, iniharap sa publiko si self-confessed gunman Joel Escorial at sinasabing inutusan siya ng umano'y "middleman" sa pagpatay kay Lapid na si Crisanto/Jun Villamor, Jr.

Si Villamor ay namatay apat na oras matapos iharap sa mga mamamahayag si Escorial.

Sa autopsy results na isinagawa ni forensic expert Raquel Fortun, binalot ng plastic bag ang ulo ni Villamor na sanhi ng pagkamatay nito habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP).

Matatandaang napatay si Lapid habang papasok ito sa BF Resort Village sa Las Piñas, sakay ng kanyang kotse nitong Oktubre 3 ng gabi.