Tagumpay na nakabalik sa limang araw na full face-to-face classes nitong Miyerkules, Nobyembre 2, ang 94% ng mga pampublikong paaralan sa National Capital Region (NCR).
Kinumpirma ni DepEd spokesperson Michael Poa na base sa ulat ng DepEd-NCR, ang mga naturang pampublikong paaralan ay nag-o-operate na ng full capacity.
Nangangahulugan aniya ito na 100% ng kanilang mga estudyante ay nakabalik na sa kani-kanilang mga paaralan.
Samantala, iniulat rin ni Poa na naging maaayos sa pangkalahatan ang pagbabalik-mandatory face-to-face classes sa public schools.
Ayon kay Poa, naghihintay pa rin naman sila ng updates mula sa kanilang regional offices hinggil sa sitwasyon sa mga paaralan, sa iba pang bahagi ng bansa.
“Sa ngayon po, maayos naman po ang resumption ng ating classes so far. Naghihintay rin po kami ng feedback from our regional directors, para po kung may challenges encountered man ay matugunan agad,” pagtiyak pa ni Poa.
Matatandaang alinsunod sa DepEd Order No. 34, ipinag-utos ang pagbabalik na ng limang araw na face-to-face classes simula Nobyembre 2, sa lahat ng public at private schools.
Ito'y mahigit dalawang taon matapos ang pagsisimula ng Covid-19 pandemic.
Kalaunan ay pinahintulutan din naman ng DepEd ang private schools na magdaos ng full online learning, blended learning o full face-to-face classes.