Magpapatupad muli ng special trips ang Philippine National Railways (PNR) ngayong Martes, Nobyembre 1, araw ng Undas.
Ito’y bunsod ng kabiguang maibalik na sa normal ang kanilang full operations bunsod ng mga pinsalang idinulot ng bagyong Paeng.
Sa abisong inilabas ng PNR, nabatid na ang naturang special trips ay para sa mga lugar na ligtas nang daanan ng kanilang mga tren.
Mag-o-operate umano ang mga tren ng PNR sa mga sumusunod na ruta:
Tutuban to Alabang - 5:36 am; 6:36 am; 7:06 am; 8:06 am; 9:06 am; 10:06 am; 11:06 am
Alabang to Tutuban - 7:12 am; 8:02 am; 8:42 am; 9:42 am 10:32 am; 11:32 am
Biñan to Tutuban - 5:25 amTutuban to Gov. Pascual - 4:11 am
Gov. Pascual to Tutuban - 9:52 pm
Gov. Pascual to Bicutan - 4:32 am; 7:12 am
Bicutan to Gov. Pascual - 5:50 am ; 8:40 am
Naga to Sipocot - 5:20 am; 10:40 am
Sipocot to Naga - 6:40 am
Kaugnay nito, muli ring humingi ng pang-unawa ang PNR bunsod ng kabiguang maibalik sa agad sa normal ang kanilang serbisyo.
“Humihingi po kami ng pang-unawa na hindi pa po maaaring manumbalik ang serbisyo sa lahat ng ruta at istasyon,” anang PNR, sa isang Facebook post nitong Lunes ng gabi.
Pagtiyak pa nito, “Ang kaligtasan ng mga pasahero at publiko ang aming prayoridad.”
Matatandaang noong Sabado at Linggo ay una nang kinansela ng PNR ang kanilang mga biyahe dahil sa mga pagbahang dulog ng pananalasa ni Paeng.
Nitong Lunes naman ay nagpatupad lamang ng special trips ang PNR dahil marami pang mga lugar ang hindi ligtas na daanan ng kanilang mga tren bunsod ng mga nasirang riles sa Sipocot, Camarines Sur; Libmanan, Camarines Sur; Biñan to Calamba; at San Pablo to Lucena.
Napinsala rin ng bagyo ang tulay sa Tabag, Barangay Bucal, Sariaya, Quezon na ginagamit ng PNR.