Posible umanong patapos na ang wave ng impeksiyon ng Omicron XBB subvariant, ngayong unti-unti nang bumababa ang COVID-19 positivity rates sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa Luzon.

Ito ay batay na rin sa assessment ng independiyenteng OCTA Research Group sa COVID-19 situation sa bansa.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, kabilang sa mga factor na naglagay sa NCR at 72 pang lugar sa Alert Level 1 mula Nobyembre 1 hanggang 15, ay ang mataas na vaccination coverage doon.

"Sa Metro Manila and other regions dito sa Calabarzon, Central Luzon, ay nakikita natin na bumababa na ang positivity rate. Magandang senyales ‘yun na baka patapos na at least ang XBB wave,”  ayon pa kay David, sa panayam sa radyo nitong Martes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Sa tingin namin, ‘yan ang nagdala ng surge recently at ngayon pababa na,” aniya pa.

Una nang sinabi ni David na ang XBB, na recombinant ng dalawang Omicron subvariants, ang maaaring sanhi ng pagtaas ng COVID-19 cases sa NCR noong Setyembre. 

Nitong Lunes naman, iniulat ng OCTA na ang seven-day COVID-19 positivity rate sa NCR ay bumaba na sa 10% na lang noong Oktubre 29, mula sa dating 12.3% noong Oktubre 22.

Ang positivity rate ay ang porsyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.