Kahit napatunayang walang kredibilidad, patuloy na iginiit ng isang YouTube vlogger na nasa bakuran lang daw ng Pilipinas ang Marianas Trench, ang pinakamalalim na bahagi ng mundo.

Nauna nang sinupalpal ng programang Frontline Tonight ng TV 5 kamakailan ang katawa-tawang paniniwala na unang ipinakalat ng YouTube channel na “Ancient Magostribe.”

Ang orihinal na video na kasalukuyang napanuod na ng nasa mahigit 187,000 beses ay iginigiit, ayon umano sa ilang Bible reference, na nasa loob lang ng teritoryo ng Pilipinas ang Marianas Trench, bagay na walang ni-katiting na katotohanan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ancient Magostribe/Youtube

Ang nakababahala pa, karamihan sa kaniyang subscribers ay tila kumbinsido pa sa claim ng kaduda-dudang channel.

Nasa exclusive economic zone (EEZ) ng bansang Guam, na isang teritoryo ng United States ang Marianas Trench, taliwas sa mga detalye ng YouTube content.

Sa bisa ng Proclamation 8335 noong Enero 6, 2009, idineklara ang Marianas Trench bilang Marine National Monument ng Amerika.

Ito ang tinaguriang pinakamalalim na lugar sa mundo na may 36, 201 feet o 11, 034 meters na dokumentadong lalim.

Sa kabila ng baluktot may impormasyon, may depensa pa rin ang channel moderator.

“Kapit lang mga idol dalawang dambuhalang TV stations ang nasaktan sa ating pagba-vlog hahahahaha TRUTH REALLY HURTS! Fact checkers in mainstream TV stations & social media is financed by Evil Colonizers Society, and that's the problem of a citizens who doesn't have knowledge about their ancient history at all, they have no roots to hold & they can be easily brainwashed by ruling elite medias,” aniya.

Nauna nang ipinapaala sa netizens na maging mapanuri sa mga nababasang impormasyon online.