Hindi nagustuhan ng maraming netizens ang tema ng Halloween costume ni Kapuso actor Martin del Rosario matapos gayahin nito ang kilalang American serial killer na si Jeffrey Dahmer.
Inulan ng matinding batikos ang aktor kasunod ng mga ibinahaging larawansa kaniyang Instagram post nitong Lunes ng gabi, Okt. 31.
Pagpupunto kasi ng netizens, hindi isang kathang-isip na karakter si Dahmer kundi isang totoong tao na may kasaysayan ng brutal na pagpaslang sa nasa 17 kalalakihan mula 1978 hanggang 1991 sa Amerika.
Sa kaniyang IG post, mababasa ang sandamakmak na komento mula sa parehong dismayado at galit na netizens sa naging Halloween peg ng aktor.
“Ang layo actually sa mukha ni Dahmer, kung di ko binasa ang caption, di ko malalaman ang outfit mo. Haha Pero man, sana iba na lang. Do better next time. Insensitive ka sa point na to,” komento ng isang netizen.
“Sick and stupid is apparently this year’s theme for Halloween,” sunod na segunda ng isa pa.
“This is a no! Be educated!”
“Kina-cool mo yan????? GAHAHAHAHSHSHSHAHAHAHA YIKES!”
“Sana inulit mo nalang si Joker kaysa nag Dahmer. Very wrong ito! (Keri lang ma-bash ako ng fans mo for stating this) If sa tingin niyo, ok lang ang Dahmer as costume, paki Google nalang kung bakit hindi yun okay. Di ko responsibility mag explain.”
“Stop romanticizing serial killers. There’s a difference between portraying a horror movie character & a real life serial killer. San utak mo?”
“Ano to? Another PR kasi hindi matunog name? This is so insensitive not just for the victims of dahmer but for the black community and the queer community.”
“Disgusting 🤢🤮 the fact na supportive pa yung mga friends nya sa kanya! Ewwwww”
“This is so ignorant to dress up as a real-life serial killer!”
“Um, baka di mo alam na totoong mamamatay tao yang "costume" mo at pumatay ng totoong tao yan? Parang nagsuot ka ng costume ng mga mamamatay tao rito sa Pilipinas.”
“Serial killer is not a costume!!”
“Alam mo okay lang sana yung fictional characters katulad ni Dracula, Chucky or Frankenstein. Pero yung mag costume ka ng totoong SERIAL KILLER. Ito sana makuha mo nga attention lahat ng tao, lalo na sa pamilya ng mga biktima na pinaslang ni Jeffrey Dahmer.”
Matatandaang mula nakaraang Setyembre, muling naging usap-usapan sa social media ang ukol kay Dahmer kasunod ng paglabas ng Netflix series na “Monster: The Jeffrey Dahmer Story” sa pagganap ni Evan Peters.
Dito binuhay at muling isinalaysay ang brutal na pagpaslang ni Dahmer sa nasa 17 binatilyo at kalalakihan sa loob ng labintatlong taon, sangkot pa ang karumal-dumal na ritwal sa krimen kabilang ang necrophilia, cannibalism at bukod sa iba pa.
Bagaman na-diagnose ng ilang psychological disorder kabilang ang schizotypal personality at borderline personality disorder, nakitang nasa maayos na mentalidad si Dahmer sa kaniyang court trial at kalauna'y nasistensiyahan.
Noong 1994, binugbog hanggang mapatay si Dahmer ng kapwa preso sa Columbia Correctional Institution sa Portage, Wisconsin.