Tuloy na ngayong Miyerkules, Nobyembre 2, ang pagdaraos ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Maliban na lamang ito sa mga paaralang napinsala ng bagyong Paeng kamakailan, gayundin ang mga ginagamit pang evacuation center ng mga evacuees.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, pansamantala, ang mga public schools na apektado ng bagyo ay magdaraos muna ng alternative delivery mode of learning at exempted muna sa full face-to-face classes habang hindi pa naaayos ang kanilang mga pasilidad.
Sa ilalim ng naturang pamamaraan, pasasagutin muna ang mga mag-aaral ng mga modules sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa sandali naman aniyang maayos na ang mga paaralang nasira ng bagyo ay ipagpapatuloy na rin ang mandatory in-person classes doon.
“Para diyan sa mga affected schools natin, tayo ay magkakaron muna ng tinatawag natin na alternative delivery mode kung saan pasasagutan muna natin ng mga modules sa bahay ang ating mga bata. In a way, blended learning po siya kasi once na maayos ang kanilang paaralan, ay babalik na po sa mandatory in-person,” ayon kay Poa.
Matatandaang alinsunod sa DepEd Order (DO) No. 34, na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang lahat ng public at private schools ay kinakailangang nagdaraos na ng full face-to-face classes simula sa Nobyembre 2.
Kamakailan naman ay inilabas ni Duterte ang DO No. 44, na nagpapahintulot sa mga pribadong paaralan na magpatuloy ng blended learning modality, full distance learning o full face-to-face classes simula ngayong araw.