Nag-post ng kaniyang reaksiyon at saloobin ang award-winning writer na si Jerry Gracio tungkol sa paghahanap ng mga netizen kina Pangulong Bongbong Marcos at Pangalawang Pangulong Sara Duterte, sa kasagsagan ng pagpapadapa ng bagyong Paeng sa maraming bahagi ng Pilipinas noong Oktubre 29.
Espekulasyon ng marami ay nasa Japan o ibang bansa daw ang pangulo dahil naka-Zoom lamang ito nang pangunahan ang emergency meeting ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at ilan pang mga opisyal, kaugnay ng bagyo. Dito ay nadismaya pa nga ang pangulo dahil sa dami ng napaulat na casualties sa rehiyon ng BARMM.
Dahil dito, trending sa Twitter ang "#NasaanAngPangulo" at "Nasa Japan".
Pinabulaanan naman ni Office of the Press Secretary officer-in-charge (OIC) Cheloy Garafil na nasa Japan ang pangulo.
"Wala po siya sa Japan," ani Garafil.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/30/pbbm-wala-raw-sa-japan-garafil/">https://balita.net.ph/2022/10/30/pbbm-wala-raw-sa-japan-garafil/
Komento naman ni Gracio sa kaniyang Facebook post ngayong Lunes, Oktubre 31, "Di natin sinasabi na lumusong siya sa baha, o siya mismo maghukay sa mga natabunan ng lupa. Pero basic courtesy sa mga tao na damayan mo sila. E, hanggang ngayon, paalis na si Paeng, parating na naman ang bagyong si Queenie, di pa natin alam kung nasaan ang Presidente at Bise Presidente."
"Tigilan na ninyo 'yang alter ego naman ng presidente si Tulfo at ang cabinet secretaries. Huwag ninyong i-tolerate ang katamaran ng mga ibinoto ninyo. Singilin ninyo sila. Taena, binabagyo tayo, ni hindi natin alam kung nasaan ang Pangulo at Pangalawang Pangulo? Unless, nasa puso ninyo."
Sa isa pang FB post, "Mahirap bang magsabi na 'Andito lang ako sa Ilocos.' O 'Andito lang ako sa Davao.' O kung nasa ibang bansa, maiintindihan naman ng mga tao na 'Nagbakasyon ako dahil long weekend.' Magsabi lang ng totoo."
"Lalo lang niyang pinapatunayan na tama ang sinabi ng tatay niya na tamad siya," dagdag pa ni Gracio, na mapapanood sa isa sa mga eksena sa pelikulang "Maid in Malacañang" kung saan pinagsabihan ni Marcos Sr. (Cesar Montano) na walang ginawa ang noo'y tinedyer na si BBM (Diego Loyzaga) kundi pumarty.
Samantala, ibinahagi ng isang eatery sa Laoag, Ilocos Norte ang mga litrato ni PBBM kasama ang anak na si Vincent Marcos at pamangking si Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc, nitong linggo ng Oktubre 30, sa kasagsagan ng pag-iintriga ng mga netizen na nasa Japan o ibang bansa ang pangulo habang hinahagupit at pinadadapa ng bagyong Paeng ang Pilipinas noong Oktubre 29.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/31/wala-sa-japan-pbbm-kumain-sa-isang-eatery-sa-laoag/">https://balita.net.ph/2022/10/31/wala-sa-japan-pbbm-kumain-sa-isang-eatery-sa-laoag/
"Someone stopped by for a quick lunch😍😍😍. Thank you President Bongbong Marcos, Sir Vincent Marcos, and Governor Matthew Marcos Manotoc for dropping by," saad sa caption ng eatery.
Hindi ito ang unang beses na makikitang kumain ang pangulo sa naturang eatery. Noong Oktubre 8 ay ibinahagi rin ng Dawang ang pag-drop by ng pangulo sa naturang eatery upang kumain ng pananghalian.
Bukod kay Gracio, ilang mga netizen din ang nagpasaring sa pangulo, lalo na ang aktres na si Agot Isidro.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/30/agot-isidro-pinuri-ang-south-korean-president-nagpatutsada-tungkol-sa-japan/">https://balita.net.ph/2022/10/30/agot-isidro-pinuri-ang-south-korean-president-nagpatutsada-tungkol-sa-japan/