Bukod sa hashtag na "#NasaanAngPangulo" o paghahanap ng mga tao kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. habang dapa ang maraming lalawigan sa Pilipinas sa pananalasa ng bagyong Paeng, lumutang din ang "Nasa Japan" dahil hinala ng karamihan ay nasa ibang bansa raw ito.

Screengrab mula sa Twitter

Lumutang ang isyung nasa Japan daw si PBBM at ang kaniyang pamilya dahil virtual lamang ang naging pag-preside nito sa isinagawang emergency meeting ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at ilan pang mga opisyal, kaugnay ng bagyo. Dito ay nadismaya pa nga ang pangulo dahil sa dami ng napaulat na casualties sa rehiyon ng BARMM.

Screengrab mula sa RVTM/FB page ni Pangulong Bongbong Marcos

Bukod dito, napansin din ng ilan ang background ng pangulo habang nasa Zoom meeting. Hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng mga netizen ang disenyo ng mga kasangkapan sa likod nito, na tila raw wala sa Pilipinas ang pangulo. Sabi ng mga netizen ay nasa bansang Japan daw ito.

Screengrab mula sa RVTM/FB page ni Pangulong Bongbong Marcos

Nagparinig na rin ang aktres at kilalang kritiko ng pangulo na si Agot Isidro sa kaniyang tweet.

"Japan Japan. Sagot sa Kahirapan,” sey ng aktres.

https://twitter.com/agot_isidro/status/1586517749194690563

Sa isa pang tweet, binanggit ng aktres ang kilalang kahulugan ng akronim na JAPAN: "Just Always Pray At Night."

https://twitter.com/agot_isidro/status/1586517151539933184

Ibinahagi pa ni Agot ang litrato ni South Korean President Yoon Suk-yeol na personal na nagsadya sa tragic site ng stampede sa isinagawang Halloween Party sa Seoul.

https://twitter.com/agot_isidro/status/1586591127356190720

Samantala, nilinaw naman ni Office of the Press Secretary officer-in-charge (OIC) Cheloy Garafil na hindi totoong nasa Japan ang pangulo.

"Wala po siya sa Japan," ani Garafil.

Hindi naman tinukoy ni Garafil kung nasa Pilipinas ba o nasa ibang bansa nga ba ang pangulo sa mga oras na ito.