Kinumpirma ng South Korean National Fire Agency ang death toll na 120 kasunod ng stampede sa gitna ng sana’y masayang Halloween celebration sa kilalang Itaewon district sa Seoul, South Korea, Sabado ng gabi, Okt. 29.
Sa bilang, 46 ang sinubukang pang isalba sa mga kalapit na ospital habang ang iba’y nasawi sa Itaewon mismo. Ang mga labi ay pansamantalang inilagak sa isang kalapit na gymnasium sa lugar.
Sa mga nasawi, karamihan ay pawang kababaihan sa kanilang early 20’s, anang inisyal na ulat ng mga rumespondeng fire official.
Ang kasalukuyang death toll ay pinangangambahan pang tumaas matapos maiulat na ilan pang katao na isinugod sa mga pagamutan ang nasa malalang kondisyon, anang head firefighter ng Yongsan Fire Station na rumesponde rin sa trahedya.
"The high number of casualties was the result of many being trampled during the Halloween event," isinalin na pahayag ni Fire department official Choi Seong-beom sa ulat ng MBC, Linggo, Okt. 30.
Tinatayang nasa mahigit 100,000 katao ang inasahang dadalo sa sikat na event sa abalang bahagi ng Hallyu capital.
Nauna nang ipinag-utos ni South Korean President Yoon Suk-yeolang pagbibigay ng agarang medikal na atensyon sa mga biktima.
Pinabulaanan naman ng mga awtoridad ang umano’y gas leak sa lugar dahilan ng trahedya.
Ang Itaewon na kilala sa kaliwa’t kanang inuman, kainan at sentro na rin ng night life ng parehong lokal at mga dayuhang turista ay isa pinakasikat na destinasyon sa Seoul.
Ang trahedya ay inilarawang “worst peacetime disaster” sa South Korea sumunod sa Sewol Ferry Tragedy noong 2014 na kumitil ng nasa mahigit 300 katao.