Tila sumasang-ayon ang tinaguriang "Queen SawsaweRRa" na si RR Enriquez sa naging pahayag ni Senador Robinhood "Robin" Padilla hinggil sa hitsura ng mga Korean stars.

Kaugnay ito sa pinag-usapang isyu ng umano'y masyadong pagtangkilik ng mga manonood na Pilipino sa Korean dramas o K-dramas, nang magkaroon ng budget hearing ang senado para sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong Oktubre 18, na dinaluhan ni FDCP Chairman Tirso Cruz III.

Dito ay nasabi ni Senador Jinggoy Estrada na parang nakokonsidera niyang ipa-ban ang pagpapalabas ng Korean dramas at iba pang dayuhang palabas sa bansa, upang mas tangkilikin umano ng mga Pilipino ang mga lokal na palabas.

"Ang aking obserbasyon pagpatuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita yung ating mga artistang Pilipino," saad ng senador.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

"Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigners at dapat ang mga artista nating Pilipino, talagang may angking galing sa pag-arte ay 'yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin."

"Kung ang pino-promote natin ay mga produkto ng Koreano, kaya nagkakaroon tayo ng halos maraming produktong Korean dito sa atin imbis na i-promote natin yung sarili natin ang napo-promote natin yung mga banyaga,” dagdag pa.

Kinabukasan, Oktubre 19, nilinaw ni Estrada na hindi umano niya ipapa-ban ang K-dramas. Sa isang panayam, nasabi niyang "out of frustrations" lamang ang kaniyang mga tinuran.

Samantala, sey naman ni Sen. Padilla, naguguluhan umano siya kung bakit mas gustong panoorin ng mga Pilipino ang K-dramas, dahil para sa kaniya, mas pogi pa raw ang mga artistang Pilipino kaysa sa mga taga-South Korea. Kahit aniya ay suntukin pa ang kaniyang ilong, hindi umano ito madidisporma dahil hindi ito dumaan sa "Salamat po, Dok".

"Kami po ay naguguluhan dahil kapag tumitingin naman kami sa salamin… mas pogi naman kami sa mga tiga-South Korea. Wala naman inayos sa amin, kasi itong ilong ko kahit suntukin nang ilang beses, walang inayos dito," giit ng senador.

Kaugnay ng isyung ito ay nagpahayag din ng panukala si Padilla na taasan ang taripa ng foreign series na ipinalalabas sa bansa.

Ito naman ay kinomentuhan ni RR sa kaniyang latest "sawsawera ">vlog" na umere noong Oktubre 27, 2022. Aminado siyang hindi talaga siya fan ng K-drama, pero natatandaan daw niya na noong kabataan niya, sobrang favorite daw niya ang Korean actor na si "Rain" sa "Full House".

Ngayon daw na may edad na siya, hindi na siya nakakanood ng K-dramas.

Binasa ni RR at kinomentuhan ang naging pahayag ni Sen. Estrada. Aniya, may punto naman ang sinabi nitong kailangang mabigyan ng trabaho ang mga local artists, staff and crew subalit mali rin namang ipa-ban o ipagbawal. Mas mamumulat pa aniya ang mga Pilipino sa paggawa ng mga show at pelikula kung makikita nila ang likha ng iba pang mga lahi.

Sunod naman ay binasa niya ang naging pahayag ni Padilla tungkol sa mga Korean stars. Aniya, gustong-gusto niya si Padilla dahil kagaya niya ay "brutally honest" din ito.

"Ako lang 'to ah, medyo napepekian lang din ako sa kanila, tama naman si Mr. Robin Padilla… Everytime I see them, parang ang fake! Fake yung ilong, fake yung mata, fake yung lips, so… hindi na talaga natural for me. Mas maipagmamalaki ko pa rin naman ang mga Filipino actors natin, but of course, eventhough they are all retokados din naman, syempre hindi naman dapat natin sila jina-judge based on their looks… kasi magagaling din naman talaga silang umarte."

Huwag daw sanang seryosohin ng mga netizen ang mga naging pahayag ni Padilla dahil tila nagpapatawa lamang ito dahil sa dami ng mga problemang kinahaharap ng bansa.

Binasa pa ni RR ang iba pang mga reaksiyon at komento ng kapwa celebrities na nagpahayag tungkol sa isyu kaya nina Direk Joey Reyes, Pokwang, at iba pa.