Malaki ang posibilidad namag-landfall ng dalawang beses ang bagyong Paeng.
Ito ang pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes at sinabing inaasahang unang tatama ang bagyo sa Catanduanes sa Sabado ng umaga bago tatahak sa northern portion ng Camarines Sur at eastern Camarines Norte.
Posible ring bumayo ito sa karagatan ng Quezon (kabilang na ang Polillo Islands) o Aurora sa Linggo ng umaga.
Dahil sa inaasahang paglakas pa ng bagyo, posibleng ideklara ang Signal No. 3 sa ilang lugar sa bansa.
Sa ilalim ng Signal No. 3, maaari nang makasira ng bubong ang hangin nitong 89 hanggang 117 kilometer per hour (kph), makapuputol na rin ito ng suplay ng kuryente, telecommunications at water supply.
Sinabi ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 220 kilometro silangan hilagang silangan ng Borongan sa Eastern Samar, dala ng hanging75 kilometers per hour (kph) at bugso nito na hanggang 90 kph.
Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.
Babala ng PAGASA, matinding pag-ulan ang inaasang dulot ng bagyo sa iba't ibang bahagi ng bansa, kabilang na sa Metro Manila kung saan aabot sa 13 milyong indibidwal ang maaapektuhan.
"Kahit dito sa Metro Manila, inaabisuhan na po natin ang ating mga kababayan na kung maaari ay manatili na lang muna sa ating mga tahanan dahil mas ligtas po doon," babala naman ni PAGASA weather forecaster Veronica Torres.