Nasamsam ng Bulacan police ang mahigit P1.1 milyong halaga ng marijuana at inaresto ang walong indibidwal sa serye ng mga operasyon sa lalawigan nitong Huwebes, Oktubre 27, at Biyernes, Oktubre 28.
Sinabi ni Col. Relly B. Arnedo, Bulacan police director, na tinatayang P1,160,000 halaga ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 11.6 kilo ang narekober ng Marilao police sa Brgy. Abangan Sur bandang alas-2 ng madaling araw noong Biyernes mula sa mga naarestong suspek na kinilalang sina Pethuel Mizona at Danica Moreno.
Gayundin, lima pang nagbebenta ng droga ang nakorner ng Station Drug Enforcement Units (SDEUs) ng Balagtas, Bustos, Paombong, at Norzagaray kasama ang mga elemento ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group ng Region 3.
Kinilala ang mga naarestong nagbebenta ng droga na sina Ronaldo Cabigao alyas Pangol ng San Jose, Paombong; Ronel Villaraza alyas Ron ng Borol 1st, Balagtas; Oliver Cervantes at Jay Ar dela Torre alyas Bunso, kapwa ng Catacte, Bustos; Corazon Vargas ng Tigbe, Norzagaray; at Kurt Andrew Sacdalan alyas “Wako” ng Paco, Obando.
Isang Antonio Celestino Jr., ang arestado sa isinagawang joint entrapment operation ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), San Ildefonso Police, at Animal Kingdom Foundation (AKF) sa Brgy. Makapilapil, San Ildefonso.
Nailigtas nila ang anim na asong aspin na kalaunan ay nai-turn over sa AKF.
Inihahanda na ngayon ang naaangkop na mga reklamong kriminal laban sa mga naarestong suspek para sa pagsasampa sa korte, sabi ng pulisya.
Freddie Velez