Boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Ito ang nakapaloob sa Executive Order No. 7 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Biyernes.

Gayunman, mandatory pa rin ang paggamit ng face mask sa mga healthcare facility, kabilang ang mga  clinic, ospital, laboratoryo, nursing homes at dialysis clinic, medical transport vehicle (katulad ng ambulansiya, at paramedic rescue vehicle), at sa public transportation (katulad ng bus, jeepney, taxi, eroplano at barko).

Hinihikayat ding magsuot ng face mask ang mga may-edad na mayroong comorbidities, immunocompromised person, buntis, hindi pa bakunadong indibidwal, at symptomatic individual.

Gayunman, iniuutos ng executive order ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng minimum health standards.

Matatandaang pinayagan ni Marcos ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa kapag nasa outdoor setting isang buwan na ang nakararaan.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH), halos umabot na sa apat na milyon ang tinamaan ng Covid-19 sa bansa, kabilang na ang mahigit sa 63,000 na binawian ng buhay.

Nasa 73.5 milyon na rin ang fully-vaccinated na laban sa sakit, ayon pa sa pahayag ng DOH.