Abala pa rin sa kaniyang pagtuturo sa Harvard University sa Boston, Massachusetts si Leni Robredo sa kabila ng mga lumabas na ulat ukol sa umano’y pagsipa ng prestihiyusong eskwelahan sa Angat Buhay Chairperson.
Bagaman walang tuloy-tuloy na update sa kaniyang social media, walang katotohanan ang mga lumabas na balita sa ilang YouTube channel ukol sa pagtanggal kay Robredo.
Sa pag-uulat, mahigit dalawang linggo nang ginagampanan ng dating Vice President ang kaniyang Harvard stint.
Sa katunayan, abala sa kaliwa’t kanang intensive lecture ang abogado ayon na rin sa kaniyang tumayong personal at isa ring Pinoy Harvard student na si Mon Abrea.
Dagdag nito, makikita pa rin sa Fall 2022 Hausers Leaders Program ang pangalan ni Robredo sa website ng Center for Public Leadership.
Noong Okt. 25 lang, pinangunahan ni Robredo ang “Women and Leadership: A Conversation with Leni Robredo, Former Vice President of the Philippines,” patunay sa tuloy-tuloy nitong lecture sa Harvard.
Sa update ni Abrea nitong Biyernes, binuksan na rin ni Robredo ang Module 2 ng “The State of Democracy in the Philippines: Populism through Institutional Disinformation” sa 20 piling mga estudyante at Harvard fellows.
Nauna nang naiulat ang halos tatlong buwang pagtuturo ni Robredo sa naturang Ivy-league school sa Amerika.