Muli umanong nagkita sina "Panda" at ang kaniyang dating fur parent na sapilitang umabandona sa kaniya dahil lagi raw pinagagalitan ng kaniyang ina.
Matatandaang naging viral ang tweet ng isang nagngangalang "Nicole", matapos niyang ibahagi ang litrato ng isang pet dog na umano'y inabandona ng kaniyang young dog owner, upang ipaampon sa iba.
"Hello! I found an abandoned dog near Mandaluyong City Hall. Here are some of her photos, along with the note attached to her leash. If you'd like to adopt her, I brought her to (the) Philippine Pet Birth Control Center Foundation in Boni Ave," aniya.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/04/liham-ng-dog-owner-para-sa-bagong-mag-aalaga-sa-inabandonang-pet-dumurog-sa-puso-ng-netizens/">https://balita.net.ph/2022/10/04/liham-ng-dog-owner-para-sa-bagong-mag-aalaga-sa-inabandonang-pet-dumurog-sa-puso-ng-netizens/
Mas nakasasaling ng damdamin ang iniwang sulat ng kaniyang young dog owner, na may habilin sa sinumang makakapulot at mag-aampon kay "Panda".
"Kuya/Ate, kung sino po ang makabasa nito, sana po alagaan ninyo nang maayos ang aso ko, kaya ko po ginawa ito dahil lagi nagagalit si Mama sa kaniya, hindi ko man kagustuhan. Sorry PANDA. Panda po name niya," saad sa sulat-kamay na mensahe ng nag-iwan sa aso.
Batay sa naging update sa aso, dinala umano ni Nicole si Panda sa pangangalaga ng Philippine Pet Birth Control Center Foundation sa Boni Ave, Mandaluyong City.
Nagsagawa naman ng Facebook Live ang beterinaryong nag-aalaga kay Panda noong Oktubre 3 upang ipakitang nasa maayos na kalagayan ang pet dog, subalit bakas sa mga mata nito ang lungkot dahil sa pag-iwan sa kaniya ng orihinal na fur parent.
Malapit na umano itong ipaampon kay "Melanie Ram" ng Strays Worth Saving Foundation.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/04/inabandonang-si-panda-nasa-isang-veterinary-hospital-may-bagong-mag-aarugang-fur-parent/">https://balita.net.ph/2022/10/04/inabandonang-si-panda-nasa-isang-veterinary-hospital-may-bagong-mag-aarugang-fur-parent/
Hangad ng mga netizen na sana raw ay malaman ng dating fur parent ni Panda na nasa maayos na lagay ang kaniyang alaga at malayo na sa panganib. Sana rin daw ay muli silang magkita bago ito mapunta sa pag-aaruga ng iba.
At kamakailan nga lamang ay reunited na ang dating mag-amo, ayon sa ulat ng "Frontline Tonight" sa TV5, ayon naman sa "Strays Worth Saving".
Nakilala pa raw ni Panda ang kaniyang dating amo na si "Daniel" at agad na iniwagwag ang buntot nang masilayan ito.
Nangako naman ang dating fur parent ni Panda na muli niya itong dadalawin.