Lumihis na ang bagyong Paeng at nagbabanta na ito sa Central at Southern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nauna nang sinabi ng PAGASA na posibleng bayuhin ng bagyo ang Cagayan.
"On the forecast track, Paeng may pass close to Catanduanes on Saturday and a landfall scenario is possible on Sunday in the eastern coast of Aurora or Quezon," bahagi ng abiso ng PAGASA.
Inaasahang lalakas pa ang bagyo sa Sabado, Oktubre 29. Ayon sa ahensya, posibleng maranasan ang "rapid intensification" ng bagyo sa susunod na 72 hours.
Dahil sa lumihis na ng tatahakin, sinabi ng PAGASA na malaki ang posibilidad na babayuhin ng bagyo ang eastern portion ng Bicol Region.
Huling namataan ang bagyo 510 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar, dala ang hanging 65 kilometers per hour (kph) at bugso na 80 kph.
Babala ng ahensya, mararamdaman ang lakas ng hanging 39 kph hanggang 61 kph sa mga lugar na nasa Signal No. 1 sa susunod na 36 oras.
Kabilang sa mga lugar na nasa Signal No. 1 ang Eastern Camarines Sur (Siruma, Tinambac, Goa, Lagonoy, Garchitorena, Caramoan, Presentacion, Saglay, San Jose, Tigaon, Ocampo, Iriga City, Buhi, Nabua, Bato, Balatan, Bula, Baao, Pili, Calabanga, Bombon, Magarao, Naga City, Milaor, Minalabac, San Fernando, Gainza, Camaligan, Canaman), Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, kabilang na ang Ticao Island at Burias Island sa Luzon.
Itinaas din ang babala ng bagyo sa Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Biliran, at Northern Leyte (San Isidro, Calubian, Tabango, Leyte, Capoocan, Carigara, Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City, Alangalang, Santa Fe, Palo).
Sa Biyernes ng umaga, inaasahang mararamdaman ang lakas ng pag-ulan sa Bicol region, Eastern Visayas, Mimaropa, BARMM, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Quezon, Cagayan, Isabela, Apayao, Aurora, at sa natitirang bahagi ng Visayas.
"Under these conditions, flooding and rain-induced landslides are expected," babala pa ng PAGASA.