Kung naniniwala ka na ang mga zombie lamang ang kumakain ng laman ng tao, dapat mong basahin ang tungkol sa mga nakakakilabot na istorya ng kanibalismo sa Pilipinas.
Ang wedding dance sa Narra, Palawan
Taong 2004 nang lumutang ang kwento ng kanibalismo sa Palawan. Ito ay matapos maiulat na sa isang wedding dance, aksidenteng nahawakan ng guest na si Benjie Ganay ang masenlang bahagi ng soon-to-be bride.
Ito umano ang ikinagalit ni Eladio Baule, ama ng bride-to-be. Sina Baule, ang kanyang anak na si Gerald, at mga kaibigan na sina Sabtuary Peque at Jhunnie Buyot ay isinakay si Ganay sa isang de-motor na tricycle papunta sa kakahuyan kung saan ito pinagsasaksak hanggang sa mamatay.
Naniniwala si noo'y dating police chief Perla Bacuel na maaaring inihain nila ang ilang bahagi ng katawan ni Ganay sa ilan sa mga nag-iinuman pa sa sayaw.
Kumander Bukay case
Si Norberto Manero Jr o mas kilala bilang Kumander Bukay, pinuno ng Christian vigilante group na tinatawag na "Ilaga," ay mapatunayang guilty sa pamamaril sa paring Ilion na si Tullio Favali noong Abril 11, 1985 sa Tulunan, Cotabato.
Ito ay matapos paghinalaan na komunista ang nasabing pari. Ayon sa mga saksi, ikinalat ni Manero ang utak ng pari at kalaunan ay kinain ang mga bahagi nito.
Cannibal Gang
Taong 2005, naaresto ng pulisya pinaniniwalaang na lider ng "Cannibal Gang" na si Ruben Latang Jr. at magkakapatid na Sabino at Angelito Latang, na pinaniniwalaang notoryus pagdating umano sa pagkain ng lamang-loob partikular na ang atay at pag-inom ng dugo ng tao.
Kinumpirma ni Ruben na kinain nga ng "cannibal gang" ang puso at atay ng tao ng kanilang mga biktima at iniinom ang kanilang dugo, sa paniniwalang ito ay isang mabisang "anting-anting" para protektahan sila mula sa mga bala at bladed na armas.
Ang cannibalism case ni Raymundo Fonte
Noong Disyembre 19, 1900, pinatay ni Raymundo Fonte ang kanyang katrabaho na si Benliro Liberato gamit ang isang sagwan matapos matuklasan na natutulog sa kanyang bangka ang biktima.
Natagpuan ang bangkay ni Liberato na lumulutang sa batis na may nawawalang bituka, mata, tainga, at ilong. Sa isang kasunod na paglilitis sa harap ng korte militar ng U.S., inamin ni Fonte ang pagpatay at sinabing kinain ng mga ito ang mga nawawalang bahagi ng katawan.
Noong Disyembre 13, 1901, binitay si Fonte.
Ang cannibalism case ni Efren Matedios
Isang nakakagimbal na balita ang gumising sa tahimik na lugar ng Tabuelan, Cebu noong ika-23 ng Mayo taong 2011 matapos patayin ni Efren Matedios ang kanyang anim na taong gulang na pamangkin at kinain ang mga laman-loob nito.Itinanggi ni Matedios ang mga akusasyon at sinabing ginawa lang niya iyon para hindi maging manananggal ang kanyang pamangkin. Nang matagpuan ng pulisya ang bangkay ng batang babae, natuklasan nila na ang panloob na bahagi ng katawan nito ay nasa isang plato na binuhusan ng asin.