Nangangamba si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na posibleng pumalo ng hanggang 18,000 kada araw ang maitatalang bagong Covid-19 infections sa bansa pagsapit ng Nobyembre o Disyembre, kung ititigil na ng mga mamamayan ang pagsusuot ng face mask.
Ayon kay Vergeire, iprinisinta na rin ng DOH ang naturang posibleng senaryo sa ginawang pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong nakaraang linggo, kung kailan napagkasunduang gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face masks sa mga indoor areas.
“Sinasabi sa projections na towards November and December of this year, kung magtatanggal tayo ng masks, maaaring tumaas ang kaso natin from 2,500 at the lower limit, to as high as 18,000,” pahayag pa ni Vergeire nitong Huwebes.
Sinabi pa ni Vergeire na inirekomenda rin ng DOH sa IATF na unang ipatupad muna ang opsyonal na pagsusuot ng face mask sa mga lugar na mataas ang booster uptake, kabilang ang National Capital Region (NCR).
Gayunman, na-overrule aniya ang DOH ng iba pang ahensya, na bumubuo rin sa IATF.
“Our position was that we take it…parang slowly, that we still do a pilot first during this month of November so that we can see if kakayanin ng ating sistema," ani Vergeire.
"But the other sectors, of course, have proposed that we do it nationwide already and it will be done already,” aniya pa.
Una na ring nagbabala si infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante kamakailan hinggil sa panibagong pagdami ng mga kaso ng Covid-19, sa sandaling maging boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face masks, lalo na aniya ngayong nakapasok na ang XBB subvariant ng Omicron at XBC variant ng COVID-19 sa bansa.