Sa paglipas ng panahon, ang bantog na kuwento ukol sa nakatago, at ubod ng yamang lungsod ng Biringan sa Samar ay isa pa ring malaking misteryo, kung saan bukas na mga mata at isipan lang ang kayang paunlakan nito.

Bagaman agrikultural na rehiyon at mayaman sa mga dinarayong paraiso ang Samar, tahanan din umano ito ng isang moderno, magarbo at maliwanag na syudad, na piling espesyal na panauhin lang ang kayang dumayo.

Ang mahiwagang lungsod ng Biringan

Wala sa mapa ng bansa ang lungsod. Ngunit, sa hilagang bahagi ng Samar, partikular na sa bayan ng Pagsanhan at Gandara, ang pagitan nito’y tahanan umano ng Biringan. Sa katunayan, isang mayamang kuwento, kadalasan ay babala, ang sasalubong sa sinumang dumarayo sa lugar na ang pakay ay ang misteryo ng syudad.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Modernong lungsod, Unsplash

Hindi karaniwan ang mahiwagang lungsod. Ayon sa kaliwa’t kanang dokumentaryo at lathalain, kabilang ang mga salaysay mismo ng mga napadpad umano sa Biringan, malayo sa karaniwang lungsod ang hindi makamundong yaman nito. Kung susumahin, may mala-New York, Dubai nang lugar ang Pilipinas, ngunit ang mga nakasaksi, ilang mapalad na nakabalik sa reyalidad matapos pasukin ang Biringan.

Kalakhan sa mga nasisilaw sa yumi ng syudad, buhay ang naging bayad.

Mula sa nakasisilaw na liwanag ng lungsod, modernong pamumuhay, makabagong teknolohiya, nagtataasang gusali, hanggang sa kusang lumilipad na mga sasakyan, ang Biringan ay mailalarawang mundo ng hinaharap.

Bagaman maliwanag, ang lahat ng mga ito’y nababalot umano ng itim gayunpaman. Sa bahagi ng istoryang ito inilalarawan ang syudad bilang pugad ng engkanto.

Patunay sa hiwaga ng Biringan

Naitampok sa dokumentaryo ni ">Mel Tiangco unang mga taon ng ikalawang milenyo, naging matunog ang kuwento ng Biringan sa bansa dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na mga bayad nang kagamitan na bumabagsak sa probinsya ng Samar, at ang misteryosong lungsod ang sana’y destinasyon nito.

Samu’t saring kagamitan ito mula sa umano’y mga mamahaling suplay ng paggawa ng bahay, magarbong sasakyan, hanggang sa mga appliances ang walang paliwanag na naipapadala sa nakatagong syudad.

Construction supplies, Unsplash

Ang lalo pang nakakapanindig balahibo rito, mga yumao nang residente ang sana’y tatanggap sa mga nasabing kagamitan.

Paraan para makapasok sa nakatagong lungsod

Sa bayan ng Pagsanghan, isang kilalang puno ng acacia ang pinaniniwalaang pintong magbubukas sa mayamang Biringan. Kabilang dito, ilan pang bato, malawak na damuhan, o kahit na walang partikular na landmark, ang portal patungong Biringan ay maaaring magbukas umano sa mga lugar sa pagitan ng San Jorge, Gandara, Catarman, Calbayog, ayon ulat ng banyagang ">Night Terrors.

Wallpaper Cave/File Photo

Ikalawa, ang sapilitang pagdukot ng engkanto ang maaaring maging daan para sa mahiwagang lungsod. Sa salaysay ng isang matandang lokal na residente sa ulat ng kilalang ">Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) sa Samar, kadalasang may magagandang wangis, parehong kababaihan at kalalakihan, ang napapadpad sa Biringan. Dagdag ng testimonya ng residente, ang pagkahumaling ng engkanto sa karaniwang tao ay kadalasang buhay ang kapalit.

Pang-apat, sinuman ang maligaw sa pagitan ng mga nabanggit na bayan ng Samar ay may mataas na tsansang mapadpad sa nakatagong lungsod.

Ang umano’y hindi sinasadyang pagdayo sa lugar ay magreresulta sa biglaang pagkamatay ng isang tao sa tunay na mundo sa pamamagitan ng aksidente o biglaan at malubang sakit, habang nauna nang nakulong ang totoong katawan nito sa Biringan.

Panghuli, ang sanib ang isa ring paraan para magbukas ng pinto ang nakatagong lugar sa mga ordinaryong tao.

Sariling testimonya: Bersyon ng kuwento ng Biringan ng Lola Eyet

Bago lumuwas ng Maynila noong 2015 para magkolehiyo, buong buhay na lumaki ang inyong likod sa munisipyo ng Julita sa Leyte, ang kalapit-isla ng probinsya ng Samar. Tanging malinaw na bersyon ng kuwento ng Biringan ang tumatak sa aking isipan ang tungkol sa kahuma-humaling na si Carolina na huling namataan umano bago ang trahedya ng MV Doña Paz noong 1987.

Dona Paz Tragedy, 1987/ Larawan ng Philippine Lifestyle News

Ayon sa kuwento ng aking Lola Eyet, isang napakagandang babae umano ang misteryosong nangibabaw at tumatak sa mga nakaligtas na pasahero ng lumubog na barko.

Matatandaang ang MV Doña Paz Tragedy ay isa sa pinakamalaking trahedya sa karagatan sa kasaysayan ng bansa na kumitil sa buhay ng tinatayang 4,000 katao.

Pagkakatanda ko pa, ang kuwento ay nananatiling buhay sa aming pamilya dahil sana’y pasahero ng lumubog na barko ang aking Lolo Pili, ang ina ng aking lola. Hindi natuloy ang sana'y pagbiyahe sa MV Doña Paz ni Lola Pili noon dahil sa biglang pagbuhos ng ulan.

Hindi ito nalalayo sa dagdag pang kuwento ukol sa mahiwagang Biringan na ayon naman sa ilang mangingisda sa Samar ay kanilang namataan sa pusod naman ng karagatan. Maliwanag at nakasisilaw na barko ang bigla na lang umanong tatambad sa mga manlalayag at mangingisda sa kalagitnaan ng gabi.

Katotohanan, paliwanag sa hiwaga ng Biringan City

Bagaman mayabong at tila may mga ">ebidensya pang lumitaw umano ukol sa misteryosong lungsod kamakailan, wala pa ring mabigat na patunay sa likod ng tanyag na kuwento.

Paliwanag ng antropolohiya sa kuwento ng Biringan. Sa lente ng pag-aaral ng mayamang kultura ng bansa, ang pamosong Biringan, bagaman halos kapani-paniwala, ay isa lang umanong kathang-isip na may partikular na gampanin sa komunidad.

Bilang paalala. Ang Biringan City ay nagpapahiwatig umano ng babala, hindi sa mga engkanto, ngunit sa maaaring peligro na maaring datnan sa masusukal na bahagi ng Samar. Dagdag nito, ang probinsya ay mayaman din sa tinatawag na biodiversity. Sa esensya, ang kuwento ng Biringan ay tumatayong paalala para sa dagdag na proteksyon sa pinangangalagaang natural na ganda ng rehiyon.

Wallpaper Cave/File Photo

Bilang inspirasyon. Dahil sa magarbong paglalarawan ng Biringan, ang umano'y hangad nito sa mga lokal na residente ay pag-unlad. Matatandaang mula sa pagiging kabilang sa pinakamahihirap na probinsya sa Pilipinas noong 2015, nitong 2022 sa wakas, tuluyan nang nakawala sa naturang listahan ang Northern Samar matapos ang unti-unting pagbangon ng probinsya. Anang eksperto, ang kuwentong-bayan ay isang nabubuhay na paalala sa lalo pang pag-usad hanggang sa ambisyosong pagyaman ng lalawigan ng Samar.

Maaring paliwanag ng siyensa sa umano’y Biringan City sa gitna ng karagatan

Bagaman hindi ordinaryo, ang matingkad na liwanag sa karagatan na umano’y portal ng hindi matagpuang syudad ay maaaring isang natural na pangyayari lang.

Light pillars sa Whitefish Bay, Michigan, USA/Larawan ni Vincent Brandy

Ang light pillar. Ayon sa World Meteorological Organization, ang light pillar ay isang atmospheric optical phenomenon kung saan ang isang patayong sinag ng liwanag ay lumalabas sa itaas at/o sa ibaba ng isang pinagmumulan ng liwanag. Ang epekto ay resulta sa pamamagitan ng repleksyon ng liwanag mula sa maliliit na ice cystal na nasuspinde sa himpapawid o na binubuo ng mga mataas na altitude na ulap. Kung ang liwanag ay nagmumula sa araw, ang phenomenon ay tinatawag na sun pillar o solar pillar. Ang mga light pillar ay maaari ding sanhi ng buwan o mga pinagmumulang terrestrial, gaya ng mga streetlight.

Mananatiling buhay na misteryo ang Biringan City

Sa kabila ng nahahati at sari-saring opinyon ng madla, sa kadahilanang ito mananatiling buhay na misteryo ang Biringan City, hindi lang sa mga lokal ng Samar, kundi maging sa kalakhang bansa.

Mitolohiya, kuwentong bayan o mula sa makatotohanang salaysay man, samakatuwid, ang Biringan City, ay nabubuhay para sa makabuluhang layunin sa makabagong mundo.