May magandang balita si Manila Mayor Honey Lacuna para sa lahat ng senior citizens at persons with disability (PWDs) na dadalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay sa mga pampublikong sementeryo sa lungsod ngayong Undas.

Nabatid na ipinag-utos ng alkalde ang libreng sakay sa e-trikes ng mga seniors at PWDs mula sa entry point hanggang sa lugar kung nasaan ang puntod ng kanilang mahal sa buhay, sa loob ng Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC).  

Mismong si Lacuna ang nag-anunsyo ng magandang balita nang inspeksyunin nilang dalawa ni Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang MNC, kasama si MNC Director Yayay Castaneda.

Ang MNC, na pinakamalaking sementeryo sa bansa, ay dinadagsa ng milyon-milyon katao tuwing Undas, lalo na noong wala pang pandemya. 

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sinabi pa ni Lacuna na bawal ang overnight stay sa parehong MNC at MSC. 

Mahigpit din aniyang ipatutupad ang pagsunod sa opening at closing time ng dalawang sementeryo.

Bubuksan ang nasabing dalawang sementeryo sa publiko mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, mukla alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Dagdag pa ni Lacuna, “Vendors will not be allowed inside the cemetery, so bring your own baon."

Muli ring sinabi ng alkalde na tanging mga batang edad 12 - anyos pataas at fully vaccinated lamang ang papayagang makapasok sa loob ng sementeryo.

Kailangan rin aniya nilang makapagpapakita ng proof of vaccination.

Ani Lacuna, mahigpit ding ipatutupad ang “no mask, no entry” policy sa loob ng sementeryo. 

Mamamahagi rin aniya sila ng face masks sa entrance ng parehong sementeryo para sa mga walang suot o dala.

Sa nasabing inspeksyon, inatasan rin ni Lacuna si Castañeda na tiyaking handa na ang mga comfort rooms, pati na rin ang mga portalets na nakalagay sa mga tamang lugar.