Nabili ni Anne Jakrajutatip, isang Thai billionaire at media mogul, ang Miss Universe Organization, kalakip ang dalawa pang USA-based pageants na Miss USA at Miss Teen USA, sa halagang P851 million, ayon sa isang ulat.
Babalikan nitong Setyembre, sa isang ulat ng New York Post, ang premyadang international pageant na Miss Universe ay nauna nang naiulat na ibinebenta umano sa halagang $20 million o nasa P1.1 billion.
Dagdag nito, sa nakalipas na anim na buwan ay naghahagilap ng interesadong buyer ang “superagent” na si Ari Emanuel, ang CEO ng Endeavor na nangangalaga sa parehong Ultimate Fighting Championship (UFO), William Morris Talent Agency, at Miss Universe.
Taong 2015 nang mabili ni Emanuel ang kabuuang Miss Universe pageant bago ang dating may-ari nito at noo'y presidential candidate na si Donald Trump.
Ayon sa ulat ng Standard Wealth nitong Miyerkules, tuluyan na ngang nabili ng JKN Global Group Public Company Limited (JKN) ni Jakrajutatip ang pageant franchise sa halagang 550 million baht o nasa mahigit P851 million.
Anang kompanya, ang pagbili sa global organization ay maghuhudyat din ng transpormasyon sa negosyong nakasentro sa pagsuporta sa paggamit ng copyright and copyright management mula sa licensing ng Miss Universe brand hanggang sa pag-oorganisa ng mga national pageant.
“The company plans to bring the Miss Universe brand to help strengthen the e-commerce business in various product groups both dietary supplements beverage products. Personal products such as skin care products, cosmetics, and lifestyle products to create growth for the said business group in the future as well,” anang Chakrapong Chakrajutathip, Chief Executive Officer and Managing Director ng JKN Global Group Public Company Limited.
Taong 1952 nang itatag ang Miss Universe pageant. Ang titleholder na si Harnaaz Sandhu mula India ang kasalukuyang may hawak ng titulo.
Sa darating na Enero 2023, nakatakdang ganapin ang Miss Universe 2022 sa New Orleans, Louisiana sa Amerika.
Samantala, wala pang pahayag ang Miss Universe organization ukol sa bago nitong owner sa pag-uulat.