Nagbigay ng reaksiyon si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa hinggil sa iniisyung pagkakatalaga kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH).

Inuulan kasi ng puna at batikos si Cascolan sa pagtanggap niya sa tungkulin bilang DOH usec dahil hindi naman daw siya doktor.

Ayon sa isang ulat, pinalagan ito ni Dela Rosa dahil pagdating naman daw sa pamamahala ng isang organisasyon o kagawarang kaya ng DOH, hindi naman mahalaga kung doktor siya; mas mahalaga aniya ang abilidad nito sa pangangasiwa. Wala umanong nakikitang problema ang senador tungkol dito, na minsan na ring naging hepe ng sangkapulisan.

"Di naman kailangang doktor kung mag-manage ng isang organisasyon," ani Bato.

"Pagdating sa management, hindi rin makukuwestyon ang kaniyang abilidad. Di naman siya pumasok diyan para magpagaling ng pasyente, pumasok siya diyan para mag-manage ng ahensiya. Wala akong nakitang problema diyan. Pag ba DOH kailangan manggagamot ka ng sakit? Management naman siguro ang kailangan sa kaniya diyan," dagdag pa ng senador.

Bukod dito, wala rin aniyang nakasaad sa panuntunan o batas na nagsasabing dapat na doktor o nasa medical field ang mamumuno sa kagawaran.

Napag-alamang magkaklase sa Philippine Military Academy (PMA) sina Cascolan at Dela Rosa at bahagi sila ng Sinagtala Class of 1986.