Dalawang pulis at dalawang sibilyan na sangkot umano sa robbery extortion, ang inaresto ng mga awtoridad sa isang entrapment operation sa Pasig City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro Jr., ang mga naarestong pulis na sina PSMS Michael Familara, 47, at PCpl Nathaniel San Buenaventura, 30, kapwa nakatalaga sa Sub-Station 7, ng Pasig City Police Station 2, habang ang naarestong mga sibilyan ay nakilalang sina John Carlo Zapanta at Carl Anito.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-9:00 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa isang entrapment operation na ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Integrity Monitoring and Enforcement Action Team (IMEAT), 35th SAC, 3SAB-SAF, at Pasig CPS, NCRPO sa Brgy. San Miguel, Pasig City.

Nauna rito, sinasabing noong Oktubre 18, 2022, ganap na alas-11:00 ng gabi ay puwersahan umanong pinasok ng mga umano’y tauhan ng Pasig City Police ang tahanan ng complainant na si Maricel Banta Opiana, 38, at inaresto siya sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinangay umano ng mga suspek ang pera ng biktima na nagkakahalaga ng P10,000, gayundin ang alkansiya ng kanyang anak.

Matapos ito ay dinala ng mga pulis ang complainant sa presinto ngunit hindi ito ikinulong at sa halip ay hiningian umano siya ng mga suspek ng P100,000, kapalit nang pagpapalaya at hindi pagsasampa sa kanya ng kasong kriminal sa piskalya.

Nagkaroon umano ng tawaran hanggang sa maibaba na lamang sa P10,000 ang hinihinging pera ng mga suspek, na ipapadala umano sa kanila ng complainant sa pamamagitan ng GCash.

Nagawa umano ng complainant na magpadala ng P6,000 sa mga suspek, gamit ang GCash kinaumagahan ng Oktubre 19, kaya’t kinahapunan ay pinayagan siyang makauwi sa kanilang tahanan, sa pangakong babayaran niya pa ang natitirang P4,000 balanse.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek, nagsumbong na pala ang complainant sa mga awtoridad na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa isang entrapment operation.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na pirasong P1,000 marked money na ginamit sa operasyon, isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu, isang unit ng Glock .9mm pistola na may dalawang magazine at mga live ammunitions; isang Taurus .9mm pistola na may tatlong magazine na may mga live ammunitions; isang unit ng caliber 45 (airsoft); isang itim at puting Yamaha Mio motorcycle na walang plaka at apat na iba’t ibang uri ng cellular phones.

Kaugnay nito, tiniyak ni PCOL Sacro na hindi nila papalampasin ang anumang maling gawain ng kanilang mga pulis sa Pasig City Police Station.

Mariin din niyang tinuligsa ang mga naarestong tauhan at siniguro sa publiko na patuloy nilang ipinatutupad ang batas nang walang pabor at kinatatakutan.

“We condone the wrongdoings of all violators in our AOR (area of responsibility), all the more our personnel who go astray in the call of their duties. We assure the public, that Pasig CPS will continuously uphold the rule of law without fear or favor and ensure that justice will be upheld at all cost. We are confident that the PNP organization is firm to its mandate which is to serve and protect the people, and we will be persistent with our internal cleansing program for the betterment of the entire organization,” ayon pa kay PCOL Sacro.

Ang mga suspek ay kasalukuyan nang nasa tanggapan ng IMEG Headquarters, sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City para ipiit at sampahan ng mga kasong robbery (extortion), paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.