Ibinahagi ng online fortune teller na si "Rudy Baldwin" ang screenshot ng sariling Facebook post noong Oktubre 31, 2020 kung saan nagbigay siya ng prediksyon hinggil sa umano'y posibleng pagbagsak ng isang sikat na tulay sa Pangasinan.
"Nakikita ko sa vision ko na isang kilalang tulay sa Pangasinan ang masisira," bahagi ng Facebook post ni Baldwin noong 2020.
Ngunit ang dahilang ibinigay niya rito ay dahil sa lindol kaya pinag-ingat niya ang publiko, lalo na ang mga residente sa naturang lugar.
Subalit isa pa aniyang tulay ang nakikita niyang babagsak dahil marupok at luma na. Aniya pa, wala namang masama kung iche-check ang naturang tulay. Hinimok din niya ang mga netizen na mas magpursige pa sa pananalangin sa Diyos.
Noong Huwebes, Oktubre 20, ay napabalita ang pag-collapse ng "Carlos P. Romulo Bridge" sa Barangay Wawa, Bayambang, Pangasinan dahil umano sa "overloading", ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1.
Ayon kay Regional Director Ronnel M. Tan, na batay naman sa ulat ni Pangasinan Fourth District Engineering Office (DEO) District Engineer Simplicio D. Gonzales, parehong overloaded ang dalawang trak na bumabaybay sa naturang tulay nang mangyari ang insidente.
Bukod dito, ang naturang tulay na nasa ibabaw ng Agno River, ay halos ilang dekada na ring nakatalalan dito, na itinayo noong 1945 pa.
Samantala, sa latest vlog ni Baldwin ay sinabi niyang may mga sakuna pang mangyayari sa mga taga-Luzon bago matapos ang taon.
"PAALALA KO LANG GAYA NG SINABI KO SA VISION NATO BAGO MATAPOS ANG TAON SUNOD-SUNOD ANG AKSIDENTE. MAGING MAINGAT AT MANALANGIN PALAGI," aniya sa kaniyang caption.