Naging matagumpay ang partisipasyon ng Manila City Government sa katatapos na C40 World Mayors Summit sa Buenos Aires, Argentina.
Sa kanyang pagharap sa mga opisyal at empleyado ng City Hall sa regular flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga, sinabi ni acting Manila Mayor Yul Servo-Nieto sa mga Manilenyo na mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nagpaabot sa kanya ng magandang balita.
Ayon kay Servo, ang city of Manila ay opisyal ng kasama sa listahan bilang miyembro ng GCOM o Global Covenant of Mayors for Climate at World Cities.
“Naging mabunga ang pakikilahok ng Team Manila, sa pangunguna mismo ng ating masipag na Mayor Honey Lacuna-Pangan, sa nasabing summit kung saan ay naibahagi nila Ate Honey ang mga payak na kahandaan ng ating lungsod sa mga epekto ng pagbabago ng klima,” anunsiyo pa ni Servo.
Nabatid na si Mayor Honey ay sinamahan sa kanyang opisyal na gawain nina Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Arnel Angeles, department of public service chief Kayle Amurao, City Health Officer Dr. Arnold Pangan, Councilor Numero Uno Lim na chairman Manila City Council’s committee on international relations at Councilor Tol Zarcal na chair ng committee on environmental protection and climate change.
Samantala, iniulat din ni Servo na aktibong nakilahok ang lungsod sa ika-35 anibersaryo ng Metro Manila Center for Health Development sa ilalim ng Department of Health, noong Oktubre 14.
Nabatid na binigyang pagkilala sa nasabing pagtitipon ang aktibong pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ng Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Pangan.
Inanunsiyo rin ni Servo na lumahok din ang city government sa KASIMBAYANAN program na inilunsad ng Manila Police District kung saan ang papel ng Simbahan at pamayanan bilang katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagsugpo sa kriminalidad at banta ng terorismo ay binigyang pagkilala.
“Salamat sa ating MPD sa pangunguna ng ating District Director General Andre Dizon sa patuloy nilang pangangalaga sa ating lungsod at sa lahat ng mga kapwa natin Manilenyo,” sabi pa ni Servo-Nieto.