Inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isa pang bagyo ngayong linggo, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Oktubre 24.
Sinabi ng PAGASA, namataan nila ang isang low pressure area (LPA) malapit sa karagatan ng Mindanao na nasa labas pa ng Pilipinas.
Sa pagtaya ng PAGASA, ang naturang LPA ay huling namataan 790 kilometro silangan ng Hinatuan sa Surigao del Sur.
Ang sama ng panahon ay nakapaloob sa Intertopical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto naman sa Palawan, Visayas, at Mindanao habang naapektuhan naman ng Northeast Monsoon ang Northern Luzon.
Paliwanag ni weather specialist Patrick del Mundo, hindi pa nakaaapekto sa bansa ang LPA.
Malaki aniya ang posibilidad na pumasok sa Pilipinas ang nasabing LPA at tuluyang maging bagyo.
Ang nasabing LPA ay tatawaging "Paeng" kapag tuluyang nabuo bilang bagyo sa loob ng PAR.
"Possible po itong tumawid sa may Visayas area, and possible din naman bumaybay sa may Luzon, at mag-recurve papunta sa may Japan area so magiging maulan po pagdating ng araw ng Thursday hanggang sa Sabado," banggit pa ni del Mundo.