Kagaya ng ipinangako ng award-winning director na si Joel Lamangan noong Hulyo, ipinakilala na sa publiko nitong Linggo ang materyal na “Oras de Peligro” gayundin ang mga artistang gaganap sa pelikulang layong labanan ang umano’y pagbaluktot sa kasaysayan ng Martial Law sa bansa noong dekada ’70.
Sa isang press conference, sa pangunguna ni Lamangan, ibinahagi na sa midya ang nalalapit na pagsisimula ng produksyon ng “Oras de Peligro,” isang docu-drama na magsasalaysay sa huling apat na araw bago ang EDSA People Power sa lente ng isang maralitang pamilya.
Present sa nasabing presscon ang mga artistang magbibigay-buhay sa kuwento sa pangunguna nina Cherie Pie Picache, Mae Paner, Allen Dizon, Gerald Santos, Carlos Dala, Felixia Dizon, Jim Pebanco, Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Rica Barrera, bukod sa iba pa.
Ang kuwento na isinulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos ay nakatakdang prodyus ng Bagong Siklab Productions ng abogadong si Howard Calleja.
Target itong ilabas sa mga sinehan sa Pebrero 2023, partikular na sa anibersaryo ng EDSA People Power.
Parehong giit ni Lamangan, ang pelikula ay ambag ng buong produksyon laban sa disimpormasyon at umano’y historical revisionism sa bansa.