Hiniling na ng gobyerno na isailalim muli sa awtopsiya ang labi ng umano'y "middleman" sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, ito ay upang mawala ang pagdududa sa inilabas na paunang resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labi ni Crisanto Villamor, Jr..

Si Villamor ay itinuturo ni self-confessed gunman Joel Escorial na "middleman" at nag-utos sa kanyang grupo na paslangin si Mabasa.

Gayunman, matapos ang apat na oras nang humarap sa publiko si Escorial, namatay si Villamor sa National Bilibid Prison (NBP) Hospital matapos umanong "mawalan ng malay" sa nasabing maximum security compound kung saan ito nakakulong.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa kabila nito, sinabi ni Remulla na tiwala siya sa NBI at Philippine National Police sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso hanggang sa mailahad sa publiko ang resulta nito.

Nauna nang inihayag ng abogado ng pamilya Mabasa na si Atty. Berteni Causing, na dati ring mamamahayag, na magsasampa sila ng kasong reckless imprudence laban kay Bureau of Corrections director-general Gerald Bantag na sinuspindi sa kanyang puwesto dahil sa pagkamatay ni Villamor.

Matatandaang dead on arrival sa ospital si Mabasa matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.

PNA