Pinaalalahanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga biyahero na maagang magpa-book ng kanilang mga biyahe sa pag-uwi ngayong Undas.

Ang paalala ay ginawa ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor nitong Linggo kasunod na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga commuters na bibiyahe pauwi ng kani-kanilang lalawigan dahil sa mas maluwag na travel restrictions at long weekend.

“Maigi po kung mag-book o bumili po ng ticket in advance upang maiwasan ang mahabang pila,” ayon kay Pastor, sa panayam sa telebisyon.

“Magbiyahe nang mas may kaunting bagahe upang maging mas komportable,” paalala pa niya.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinabi ni Pastor na inaasahan na nila ang pagdami ng bilang ng mga biyahero simula sa Biyernes, Oktubre 28, hanggang sa Sabado, Oktubre 29.

Sinimulan na rin aniya nila ang pag-inspeksiyon sa mga terminals ng mga sasakyan.

Pinaalalahanan rin niya ang mga transport operators na regular na i-check ang kanilang mga sasakyan upang matiyak na ligtas ang mga ito na ibiyahe.

Paalala pa ni Pastor sa publiko, nananatili pa rin ang COVID-19 kaya’t dapat pa ring istriktong tumalima sa health and safety protocols.

“At all times dapat ho suot natin ang ating face masks habang tayo’y nasa public utility vehicles,” ayon kay Pastor.