Nilinaw ng bagong Miss Q&A Kween of the Multibeks na si Anne Patricia Lorenzo ang kumakalat na screenshot ng kaniya umano'y komento ukol kay dating Vice President at ngayo'y Angat Buhay Chairperson Leni Robredo.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, pinabulaanan ng titleholder ang komentong ipinagpapalagay na mula sa kaniya.
Nauna nang naging usap-usapan ang final answer ni Lorenzo sa tanong na kung may tao bang tanga, kung saan malaking punto ng kaniyang naging sagot ang pagpapakatanga umano ng ilan tuwing panahon ng eleksyon.
Dagdag pa umano ng titleholder, “ginawa ko lang ‘yun para patamaan si lutang mg auto-utong Kakampink,” na niresbakan naman ng isang netizen sa isang Facebook group.
Ngunit paglilinaw ni Lorenzo, “wala po akong sinabing ganito at napakadesperado ng ganitong galawan para gumawa ng fake account and to put or to edit this kind of malicious comment.”
Muling iniugnay ng titleholder ang sitwasyon sa kaniyang parehong sagot.
“Wag po tayo magpakatanga sa sitwasyon na pwede tayo maging matalino. If you saw something like this, please do your responsibility na alamin kung totoo ang account or hindi po,” ani Lorenzo.
Balak namang magsampa ng legal na rekurso ang titleholder laban sa mga fake account na nagpapakalat ng mga malisyusong komento online.
Si Lorenzo ang itinanghal na “Miss Q&A Kween of the Multibeks” ng ABS-CBN noontime program na “It’s Showtime” kasunod ng “Miss Q&A Queenfinity War” finale nitong Sabado, Okt. 23.