Itinalaga na si dating Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH).
Ito ang kinumpirma ng DOH nitong Linggo at sinabing uupo si Cascolan sa dating puwesto ni Roger Tong-an.
Bukod dito, itinalaga rin si Atty. Charade Mercado-Grande bilang assistant secretary ng ahensya.
Gayunman, wala pa ring itinalagang kalihim ng DOH si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. halos apat na buwan mula nang umupo ito sa puwesto.
Noong Pebrero 2021, itinalaga si Cascolan bilang undersecretary sa Office of the President.
Nagsilbi rin siyang hepe ng PNP noong Setyembre hanggang Nobyembre 2020 at naging regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong 2018.