"Every child deserves to learn!"

Naantig ang damdamin ng mga netizen sa ibinahaging TikTok video ng isang gurong si Ma'am Jihan D. Ahmad, nagtuturo sa isang pampublikong paaralan sa Lanao Del Norte dahil sa pagpayag nitong sumama sa klase niya ang isang batang lalaking naispatan niyang pasili-silip sa loob ng kaniyang silid-aralan.

Ayon sa text caption ng TikTok video ng maestra, araw-araw daw niyang napapansing tumatambay ang bata sa bintana ng kanilang silid-aralan. Tinanong daw niya ang bata kung nag-aaral ito, at ang tugon nito ay hindi raw.

"I want you to learn, 'nak! Be one of my pupils," saad daw ng guro sa bata. Tinanong daw niya ang bata kung gusto nitong pumasok sa loob at kasamang matuto ng kaniyang mga mag-aaral.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Makikita naman sa video na tila excited na pumasok ang bata sa loob ng silid-aralan. Pinaupo niya ito sa sarili nitong upuan. Binigyan ng guro ang bata ng sarili nitong notebook at lapis.

"My pleasure to help and educate young minds," pahayag ng guro. "I hope someday you'll learn a lot from me!"

Sa comment section, nagbigay ng update ang guro dahil nag-viral ang kaniyang content. Bumuhos daw ang tulong ng mga netizen para sa bata.

Napag-alaman ng guro na sampu silang magkakapatid, at pang-anim ang batang itinampok niya. Tatlo raw silang hindi pa nag-aaral.

"UPDATE: Just talked to the mother of the child. 🙂 Di pa man dumating ang tulong maraming maraming salamat daw po," ani Ma'am Jihan.

Pumalo na sa 3.2M views ang naturang TikTok video.

Kudos sa iyo, Ma'am Jihan! Nawa'y dumami pa ang mga kagaya mong guro!