Alam niyo bang minsan na rin tiningala ng Korean film industry ang gawang Pinoy?

Kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni Senador Jinggoy Estrada kamakailan kaugnay ng mungkahing pagbabawal sa patok na Korean dramas sa bansa, kaliwa’t kanang reaksyon, kadalasan ay pagtutol, ang natamo nito.

Basahin: Sen. Jinggoy Estrada, kinokonsiderang ipa-ban Korean dramas sa bansa – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Kabilang sa mariing salungat sa pahayag ang batikang propesor mula University of the Philippines (UP) at cultural antropologist na si Prof. Nestor Castro.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sa kaniyang Facebook post noong Huwebes, Oktubre 20, isang trivia ang nagpasang-ayon sa maraming netizens sa kaniyang sentimiyento ukol sa usapin.

Pagbabahagi ng eksperto, minsan na rin pa lang naging pamantayan ang bansa sa paggawa ng pelikula sa bansang South Korea.

“Did you know that the 2001 Korean film ‘Summertime’ was an adaptation of Peque Gallaga's 1985 film ‘Scorpio Nights?’ Yes, Koreans are also inspired with Filipino films as long as they are good movies,” anang propesor.

Tinutukoy ni Castro ang parehong kontrobersyal at mapangahas na materyal ni Peque Gallaga sa panulat nina T.E. Pagaspas at Romel Bernardino na “Scorpio Nights.”

Ang nasabing pelikula rin ay nagsilbing mahalagang papel sa pagtukoy sa mga erotikang materyalsa bansa noong dekada ’80.

“Thus, the challenge is to produce more quality films. So, instead of banning Korean films, we should ban plunderers instead,” dagdag na hirit ni Castro.

Matatandaang ito rin ang naunang posisyon ng bokalista ng “Parokya ni Edgar” na si Chito Miranda

“Targeting foreign shows or acts is not the solution for the lack of support towards local shows and artists. Coming up with better shows and songs, is,” mababasa sa isang Twitter post ni Chito noong Miyerkules, Oktubre 19.

Basahin: Chito Miranda sa pagbabawal sa foreign shows: ‘Earn the support. ‘Di pwedeng sapilitan’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Dahil sa parehong nakagugulat at nakamamanghang trivia ng propesor, umani ng atensyon online ang naturang Facebook post ni Castro na sa pag-uulat ay naibahagi na ng nasa mahigit 3,700 beses.

Ilang netizens din ang agad na sinegundahan ang propesor, at nagbigay pa ng dagdag na mga trivia, at ilan pang materyal ng Pinoy sa hallyu wave.

“During the early Hallyu days, one of the most famous Teen Sitcom ‘New NonStop 2’ starring the likes of Jang Na Ra and Jo In Sung featured Jose Mari Chan’s ‘Beautiful Girl,’” pagbabahagi ng isang netizen.

Nabanggit din ng ilan ang mga kantang nagamit sa ilang Korean drama shows kabilang ang classic Freddie Aguilar song na “Anak” at ang “Pangako” ni “Asia’s Songbird” Regine Velasquez.

Nauna nang nilinaw ni Estrada ang kaniyang kontrobersyal na pahayag.

Basahin: Sen. Estrada, nilinaw ang pahayag tungkol sa banning ng K-Dramas, foreign shows sa Pinas – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Wala po akong balak i-ban. That was said out of frustration. Gusto ko talaga Filipino first,” aniya.