Pinayuhan ng dalawang senador ang pamilya ng napatay na broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa, na magtiwala lang sa mga awtoridad sa kabila ng pagkamatay ng isa sa umano'y "middleman" sa pamamaslang sa naturang mamamahayag.
Ayon kina Senator Christopher Go at Grace Poe, tiwala pa rin sila na makakamit ng pamilya ni Lapid ang hustisya dahil na rin sa patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
"Trabaho na po ng ating kapulisan at ng ating Department of Justice, under po nila ang BuCor (Bureau of Corrections), na tingnan po ang security protocol diyan po sa loob ng bilangguan. Dapat po walang makapuslit," pahayag ni Go nang bumista sa mga nasunugan sa Malabon City nitong Biyernes.
Kasama aniya siya sa mga hakbang upang maimbestigahan ang kaso at umaasa ito na susunod ang BuCor sa protocols alinsunod na rin sa batas.
Nitong Biyernes, sinuspindi ng Department of Justice si BuCor Director General Gerald Bantag upang hindi nito maimpluwensiyahan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng umano'y isa sa "middleman" na si Crisanto Villamor, Jr. o Jun Globa Villamor.
Binubuno ni Villamor ang hatol sa kanya ng hukuman sa kasong murder, attempted murder, at paglabag sa election gun ban.
Nauna nang sinabi ng aminadong gunman na si Joel Escorial na isa si Villamor sa kumontak sa kanya at tatlo pa niyang kasabwat, upang paslangin si Lapid.
Dismayado naman si Poe sa pagkamatay ni Villamor."This death will further hinder due process. The Bureau of Corrections owes it to the victim’s loved ones to quickly investigate this new murder and find new evidence that can point us to the mastermind of the series of crimes that has been committed. However, I am still hopeful that justice will prevail and that we will have answers soon. We will continue watching and holding authorities accountable for the sake of public order and safety," dagdag pa nito.
Matatandaang napatay si Lapid matapos pagbabarilin habang pauwi ito sakay ng kanyang kotse sa BF Resort Village, Las Piñas City nitong Oktubre 3.
PNA