Arestado ang isang online seller at tatlong iba pa at halos P113,000 halaga ng hinihinalang shabu (methamphetamine hydrochloride) ang nasamsam ng pulisya sa buy-bust operations sa Taguig at Pateros nitong Biyernes, Okt. 21.

Sa Taguig, nagsagawa ng buy-bust operation ang Drug Enforcement Unit ng police station sa PNR Site, FTI Compound sa Barangay Western Bicutan at naaresto si Angeline Desalisa, 21, isang online seller.

Nakuha sa kanya ang siyam na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 9.6 gramo na nagkakahalaga ng P65,280, at P200 na buy-bust money.

Naglunsad ng panibagong buy-bust operation ang Taguig DEU sa Veterans Road sa Barangay Western Bicutan na nagresulta sa pagkakaaresto sa drug suspect na kinilalang si Angie Tismo, 52.

National

Benhur Abalos, bumisita kina Ex-VP Leni sa Naga; nag-donate sa typhoon victims

Narekober sa pulisya ang apat na plastic sachet na naglalaman ng limang gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P34,000 at P200 buy-bust money.

Sa Pateros, nagsagawa rin ng entrapment operation ang pulisya sa J.T Capco Street sa Barangay Sta. Ana.

Naaresto sa operasyon sina Milvir Padua, 32, at Jayson Marquez, 32. Nakuha sa kanila ng mga pulis ang pitong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na dalawang gramo na nagkakahalaga ng P13,600, at P200 na buy-bust money.

Ayon kay Southern Police District director Brig. Gen. Kirby John Kraft, ang mga naarestong suspek ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ang mga hinihinalang iligal na droga ay itinurn-over sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.

Jonathan Hicap