Isa sa mga naging paksa ng co-hosts na sina Cristy Fermin at Romel Chika sa kanilang programang "Cristy Ferminute" ang umano'y tsikang lilipat na sa GMA Network sina Matteo Guidicelli at Enrique Gil, subalit nauudlot dahil sa iba't ibang mga "kahilingan" na hindi pa umano ma-settle-settle.

Ngunit mas nagpokus ang dalawa kay Enrique na umano'y naudlot ang pagiging Kapuso dahil sa maraming hinihingi o kondisyon sa kaniyang pag-oober da bakod umano.

Si Enrique ay isa sa mga A-list artists ng ABS-CBN, katambal ni Liza Soberano, o mas kilala bilang LizQuen. Subalit ngayong pansamantalang buwag muna ang tambalan dahil sa pagnanais ni Liza na i-push ang kapalaran sa Hollywood, marami ngayon ang nagtatanong kung ano na ba ang next kay Quen.

Simula kasi nang hindi na i-push ng Kapamilya Network ang kanilang teleserye ni Liza na "Make It With You" sa kasagsagan ng pandemya at isyu ng ABS-CBN franchise, hindi na napagkikita ang dalawa. Hindi rin sila dumalo sa ABS-CBN Christmas Special noong 2021 dahil biglang nagka-family emergency ni Liza, na sinamahan naman ng kaniyang jowang si Enrique.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Anyway, ispluk ni Cristy na marami raw hinihingi itong si Enrique bago siya tuluyang maging Kapuso. Kung si Matteo raw ay nagkaroon ng isyu sa pini-pitch na show sa Kapuso Network, mas matindi raw kay Enrique Gil.

"Ayon sa kuwento, alam mo naman, lumalabas ang mga kwento talaga, imposibleng hindi. Ito raw si Enrique eh ang dami-daming hinihingi, ano-ano nga 'yun, Romel?"

Segunda naman ni Romel, "Diyos ko, kailangan daw pag andun na siya, yung mga director, mga writer, PA, mga kung ano-ano, buong entourage na yata ito ng paggawa ng isang produksyon, gusto niya kasama niya, eh para namang mali 'Nay."

"Ang gusto raw ni Enrique ang mga writers nung gagawin niyang programa, mga writers niya dati sa ABS-CBN. Ang direktor na hahawak ay dapat direktor din mula rin sa ABS-CBN. Ang mga production crew ay hahakutin din yata niya. Aba, eh di sila na lang ang mag-produce? Bakit siya tatanggapin at susundin ng GMA-7? Kanino ba ang network? Sino ba ang susugal? Sino ba ang gagastos sa produksyon? Eh hindi naman yung gusto niyang mga makasama di ba?"

"Nakakaloka!" reaksiyon ni Romel.

At nagpatuloy pa si Cristy, "Alam mo, may mga ganyan eh, may mga ganito talagang pangyayari, biruin mo, naghahanap kayo ng trabaho, kailangan ninyong kumita, dahil siyempre paano kayo mabubuhay kung nakatengga lang kayo, eh kung ganyan naman na binibigyan na kayo ng pagkakataon para kumita at magkaroon ng trabaho, ang dami-dami n'yo namang hinihingi?"

Para kay Cristy, ang umano'y ginawang ito ni Enrique ay tila ba malaking insulto sa pinapasukang network.

"Aba naman, ano pang gagawin ng mga writers, direktor, production crew ng GMA-7 kung ang gusto naman ng artistang magtatrabaho sa kanila ay hahakutin, hahakutin ang mga dati niyang kasama sa trabaho. Mali naman 'yun," giit pa ni Cristy.

Ayon naman kay Romel, ang tawag daw sa aktong ito ay "pa-importante".

Sey ulit ni Cristy, ang dapat daw na masunod ay ang may hawak ng "wallet" o siyang mamumuhunan para kay Enrique.

Cristy Fermin, Romel Chika, at Enrique Gil (Screengrab mula sa YT)

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Enrique Gil tungkol sa mga pinakawalang tsika ni Cristy, batay naman sa narinig nito sa ibang source. Bukas ang Balita Online sa panig ni Enrique.