Pinoprotektahan na ng mga awtoridad ang ikalawang umano'y "middleman" sa pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid (Percival Mabasa) kasunod na rin ng pagkamatay ni Crisanto Villamor, Jr. na idinidiin sa kaso.
Naiulat na kabilang sa nagbabantay kay Christopher Bacoto ang mga pulis at tauhan ngBureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Si Bacoto ay sinasabing nakipag-usap sa mga kasabwat ni self-confessed gunman Joel Escorial upang planuhin ang pagpatay kay Lapid.
“May isa pang middleman, who camefrom BJMPfacility in Taguig. He is under the custody of the PNP,” sabi naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang television interview.
“Si alias Bacoto ay siya namang kumontak upang maisama itong Edmund at Israel Dimaculangan at kasama na si Orlina na nag-drive ng motor," reaksyon naman ng pinuno ng Special Investigation task force na may hawak ng kaso, na siSouthern Police District (SPD) chief, Brig. Gen. Kirby Kraft.
"Inaasahan sana natin na itong si Bacoto, kagaya ng ating gunman, ibigay ang full cooperation nang sa ganoon lalong luminaw ang pangyayaring pagpatay kay Ka Percy," anito.
Kaugnay nito, isinuko na ni Escorial ang kanyang bank book kung saan nakapaloob ang listahan ng natanggap na kabayaran sa pagpatay kay Lapid.
Dahil dito, kumpiyansa na si Kraft na matutukoy nila ang "utak" o mastermind sa pagpaslang.
Nauna nang inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paunang awtopsiya sa bangkay ni Villamor at sinabing "nakitaan ng pagdurugo sa bahagi ng puso" nito.
Gayunman, hihintayin pa rin ng NBI ang resulta nghistopathology at general toxicology examinations sa nakuhang tissue samples sa labi ni Villamor.